Saturday, June 10, 2006

MY POETRY BACK IN 2000-2002

SOMETIME BACK IN BETWEEN THE YEARS 2000-2002, NAG-AMBISYON AKONG MAGING ISANG POET. MUKHANG SA PUWET ANG AKING KINABAGSAKAN. ETO ANG ILAN SA MGA TULANG NAISULAT KO AT NAI-PUBLISH SA IBA'T IBANG PAHAYAGAN NUNG MGA TAONG IYON...


PARLOR

*Appeared on “Trip”, UP Collegian’s Literary Folio, July 2000, under the writer’s pseudonym “Karl Sebastian”.

nagsasayaw sa hangin
ang amoy ng magkatipan
na kyuteks at mertayoleyt
sa saliw ng musika
ng jazzer na gunting.

ang acetone at cuticle remover
ay pumapadyak-padyak
sa pagsipol ng blow-dryer
na sumasabay naman sa awit
ng baklang itsinitsismis si Mrs. dela Cruz.

umiindak-indak sa ilong
ang neutralizer at cold wave lotion
habang nagpa-plucking ang kilay
at kumikislap-kislap
ang hair highlights sa dance floor.

nakahanay na ang mga kababaihan
nagpapakyutan ang mga kalalakihan.

Nagbukas na muli ang parlor ni Samantha.

Matutulis muli ang mga kukong
walong taon nang di namamanikyuran.
Nakulot na nito ang utak
ng bagong rehimeng nag-aastang straight.
Naka-rollers na ang mga dolyar
na ibubulsa ng mga taksil at bentador.
Mineyk-apan na ng pampaputi
ang kulturang nahihiya sa tunay niyang balat.
Kinukulayan na ng red, white, at blue streaks
Ang nilalaman ng mga diyaryo, telebisyon, at radyo.
Binubunot na nila ang mga hibla
ng mga lupang sakahin sa kanayunan.
Shinampoo na ng mga dayuhang kapitalista
ng mabubulang pangako ang mga manggagawa.
Ise-cellophane nila ang mga bibig
ng mga aktibistang humihiyaw ng karapatan.
Iti-trim down nila ang mga pulang mandirigma
sa mga joint military exercises nilang pakana.
Ibinabad muli sa hot oil
ang bayang sinasabing puro tangles.
Winax na uli ng amo at ng tuta
ang bagong kasunduang base militar.

inihahanay na ang ating mga kababaihan
hindi na nakukyutan ang sambayanan

Nagbukas na muli ang parlor ni Sam.

Manash,
Pakiabot nga ang lipstick kong pula.


INSTANT NOODLES
*Appeared on the UP Engineering Logscript, November 2000, under the writer’s pseudonym “Karl Sebastian”.

ibinenta ka sa halagang limang piso
sabay inilubog sa marami-raming kumukulong tubiog
tatlong minuto kang pakukuluan
at kapag luto na, hahanguin
saka ilalagay ang mga pampalabok
na hitik na hitik sa mga kemikal
na balang-araw ay papatay sa kanila
kung may pera pa, lalagyan ka ng isang itlog
at ilang mga gulay na napulot
sa maputik na kalsada ng divisoria.

ihahain ka sa apat na anak
at aasang mapapatalino mo at mapapalusog sila
accepted ka kasi ng DOH
at may sangkap-pinoy, sabi ng pakete
hihigupin nila ang mainit mong sabaw
na wala nang lasa sa dami ng tubig
nanamnamin nila ang mga hibla mo
baka nga naman may naligaw
na totoong chicken o beef
matutulog sila at magkukunwaring busog
bukas, iisipin muli kung saan kukunin
ang ipambibili sa iyo
ano'ng timpla? ano'ng rekado?
anong brand ng instant noodles?

nissin's, maggi o lucky me?

ibinenta tayo sa dayuhan sa halagang mamiso
na naglubog sa ekonomiya sa kumukulong mantika
minu-minuto kang pinakukuluan
sa sweldong hilaw at madaling hanginin
bibilugin tayo ng mga pangakong mapalabok
habang sa trabaho'y niluluto sa init at kemikal
na balang-araw ay papatay sa atin
pinararami natin ang kanilang pera at pinalalaki ang mga itlog
at kapag gulay na ang mga katawan
itatapon tayo sa maputikna kalsada ng divisoria.

pagkatapos, ano ang ihahain sa apat na anak?
paano tatalino at lulusog sa kitang di-sapat?
ia-accept tayo ng DOH
na may sakit-pinoy, sabi ng x-ray
nahigop na ang mga baga natin
halos wala nang natitira at tinutubig
malapit nang namnamin ng uod
ang hibla ng buhay ng bawa't isa
at gawing pagkain
ng mga chicken at beef
di tayo makatulog, ni magkunwaring busog
bukas, iisipin muli kung may pagkukunan pa ba
ng perang ipambibili
ano'ng ipantitimpla? ano'ng irerekado?
ah! kahit anong brand ng instant noodles.

lucky me nga ba?


SAPATOS
* Used in 2001 for my short film of the same title

ang buhay raw ng tao, parang sapatos
lalo na ang babae
ang haba ng sintas ay maaaring ihalintulad
sa haba ng buhok o haba ng pisi ng pagtitiis niya
ang pagkabago at pagkaluma nito
ay simbolo naman ng pagkagamit sa kanya sa tahanan,
sa pagawaan, sa lansangan, at ng kabuuang lipunang kanyang ginagalawan

iba-iba rin ang uri ng mga sapatos
may goma, may plastik, may peke, may tunay na balat,
merong may takong, meron ding wala
may puting sapatos, itim na sapatos,
asul na sapatos, berdeng sapatos
dilaw na sapatos, at kulay kayumangging sapatos

araw-araw, ikakaskas sila sa maalikabok na kalsada
pupudpurin sila sa mainit na aspalto ng kalye
kakaladkarin sila sa iba’t ibang sulok at dilim
mapuputikan, marurungisan, masusugatan,
matatamaan, maaapakan, matatadyakan,
madadaganan, mababasa, mapagsasamanatalahan,
at pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan
huhubarin sila at ililigpit
at pag gagamitin na naman
konting punas lang
konting himas lang
okey na naman

hindi na siya papakaskas sa maalikabok na kalsada
hindi na siya papapudpud sa mainit na aspalto ng kalye
hindi na siya papakaladkad sa iba’t ibang sulok at dilim
di na mapuputikan, marurungisan, masusugatan
di na matatamaan, maaapkan, matatadyakan
di na rin madadaganan, mababasa at mapagsasamantalahan
pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan
di na sila pahuhubad, paliligpit at pagagamit
hindi na madadaan sa konting punas, sa konting himas.

ang buhay raw ng tao, parang sapatos
lalo na ang babae
may goma, may plastik, may peke, may tunay na balat
merong may takong, meron ding wala
may puting sapatos, itim na sapatos
dilaw na sapatos, berdeng sapatos
may asul na sapatos,
at may pulang sapatos.


HI-TECH
*Appeared on “Trip”, UP Collegian’s Literary Folio, July 2000, under the writer’s pseudonym “Karl Sebastian”.

www
ba't andami mong tanong
sa suliranin ng bayan
isa lang ang solusyon
.com

SIKAT
*Appeared on “Handumanan”, UP Collegian’s Literary Folio, September 1999, under the writer’s pseudonym “Karl Sebastian”.

Sikat ka na
Sabi ng isang kasama
Hindi ka na namin nakikita
Nakakasama sa martsa
Sa gitna ng kalsada
Sa Ayala
Sa Ortigas, sa Mendiola

Sikat ka na
Akalain mo nang makita
Sa Risiris, kahapon ‘yon, di ba?
Si Ricky Lee ang kasama
At iba pang manunulat
Sa TV at pelikula
Naks! Sikat ka.

Ako? Sikat na?
Nagbibiro ka yata?

Ako’y sikat na
‘Pag naalayan ng tula
Ni Villa o De Manila
‘Pag nabanggit sa kolum
Ni De Quiros o Doronila
Ipininta ni Dalena
Malang, Ben Cabrera
Naililok ang pigura
Ni Jullie Lluch o ni Aba
Natatuan sa katawan
Ni Alfred Guevarra
Naisama sa comic strip
Ni Pol Medina.

Ako’y sikat na
‘Pag ako’y naimbita
Ni Cheche at Korina
Ni Loren Legarda
Ni Mel at Jay Sonza
‘Pag nagawan ng kanta
Ni Bobby Balingit, Granada
Koyang Jess at Chickoy Pura
Francis M, Ely Buendia
At tamang-tamang kakanta
Ang Jerks o Put3ska
With interpretative dance
Mula kay Lisa Macuja.

Ako’y sikat na
‘Pag nagawan ng pelikula
Ng Regal o ng Viva
‘Pag idinerek ng mga batikang
De Leon, Kidlat at Abaya
(Sayang patay na
Sina Brocka at Ishma)
At ang nagsulat ng iskrip
Si Lee o si Lacaba
Lao, Bautista o Lana
Baka si Goma ang bida
O si Jomari Yllana
(Pero mas akma raw si John Regala).

At ‘pag ako’y sikat na
Pipili ako ng aking kapareha
Si Nora ba o si Vilma
Si Gina o si Hilda
Chanda, Sha o Maria
O baka mas okey
Kung si Joyce o si Ara
Si Sunshine, si Ina
Si Capri at si Rosanna
Ngunit mas gusto ko, ha
Kung gagawing si Bella
Kasi matagal na
Ang paghanga ko sa kanya.

Subalit, ako talaga’y sikat na
‘Pag ang aking mga tula
Ay magpapalaya sa magsasaka
Sa pagkakagapos sa lupa
At ang aking mga kanta
Ang inspirasyon ng manggagawa
Sa pagkawala sa tanikala
Ang aking mga iskrip
Ay ibinatay sa pakikibaka
Ng mga kahanga-hangang kasama
Ang aking mga pelikula
Ay makapag-aanak pa
Ng marami pang aktibista
At ang iba ko pang sining
Ay nakabatay sa mga katagang
“Mula sa masa, para sa masa”
Siguro, sa panahon na ito
Saka mo sabihin sa ‘king
Ako’y sikat na.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home