Saturday, June 10, 2006

ANG PINAKA-‘ASTIG’ NA TRIP NI DIREK JON RED

NOTE: Some time back in 2002-2003, to make ends meet, I wrote articles for a Baguio-based newspaper SKYLAND NEWS and for PINOY WEEKLY. Here are some of the articles tha came out which I am sharing and saving here on my blog.

ANG PINAKA-‘ASTIG’ NA TRIP NI DIREK JON RED

HINDI ko na maalala kung ano ‘yung eksaktong tinext ni Direk Jon Red nang yayain niya akong maging bahagi ng “Astig,” ang bago niyang full-length digital film na magpe-premiere ng libre sa Pebrero 10, alas-7:00 ng gabi, sa CCP Little Theater. Basta ang naaalala ko lang, sabi niya, isang Kowloon na siopao daw ang talent fee ng lahat na sasama sa bago niyang ginagawa, mula sa kanya pababa sa mga artista hanggang sa mga nagsisilbi ng kape at pagkain sa set. Nagreklamo pa nga ako. Sa hirap ng buhay, tumaas na kasi ang talent fee ko. Dagdagan niya kako ng dalawang siomai at pihado mapapa-“Oo” ako.

Ang totoo niyan, hindi mahirap mangumbinsi ang isang Jon Red. Halos lahat ata ng matitinong artista ay gustong maging bahagi ng kanyang pelikula kapag nalamang may ginagawa siya. Patunay lamang nito ang mga taong pumara at sumakay sa bago niyang “trip” na pinapasada bagama’t, tulad ko, siopao lamang ang bayad na maipapangako niya. Minsan, kahit wala pa nga. Puno ng mga artista mula sa mainstream cinema, telebisyon, teatro, at independent scene ang bagong biyahe ni Jon. Kandungan pa nga bukod sa mga nakasabit sa estribo sina Albert Martinez, Francis M, Jeffrey Quizon, Alessandra de Rossi, Ronnie Lazaro, Jaime Fabregas, Nonie Buencamino, Dido dela Paz, Shamaine Centenera, Errol Dionisio (sa kanyang kahuli-hulihang pagganap), Maverick at Ariel, Jackie Castillejo, Benjie Felipe, China Cojuangco, Hector Macaso, Gary Rada, Raul Morit, Tado, at ang pinakasorpresa sa lahat, sa kanyang kauna-unahang pagganap sa isang eksperimental na digital film, si Robin Padilla.

“Ni hindi nga siya nagdalawang sabi, e. Pagkasabi pa lang niya na gawa tayo, “Oo” kaagad ang sagot ko,” pahayag ng tinaguriang Bad Boy ng Pelikulang Pilipino. “Hindi ko naman gagawin kung hindi ko nirerespeto si Jon, unang-una bilang tao at pangalawa bilang matalinong tao. Meron siya nung tinatawag na “kumpas”.”

Dalawang beses nang naudlot na magsama sa pelikula sina Direk Jon at Robin. Nu’ng 2002, nilakad ni Binoe si Jon sa isang Hapon na prodyuser para sa isang proyektong may pamagat na “Biyahe” (na ang manunulat sana na ito ang iskriptwrayter). Ginawa ito ni Binoe matapos niyang mapanood sa UP Film Center ang kauna-unahang idinerek ni Jon para sa mainstream cinema, ang “Utang Ni Tatang”. Naitambak ng prodyuser ang kwento subalit hindi nawalan ng pag-asa ang dalawa na makagawa ng isang matinong pelikula. Nu’ng isang taon, muling kumatok ang pagkakataon nang may nagpahayag ng interes kay Jon upang kunin siyang direktor sa pelikulang “Gabriela,” ukol sa buhay ng pinakamatapang na babaeng Katipunera. Agad na tinawagan ni Jon si Robin upang ibigay rito ang papel na Diego Silang habang nagpapa-audition siya para sa gaganap na Gabriela. Ngunit, tulad ng dati, bigla muling nag-iba ang timpla ng magpipinansya at umatras na magtapon ng pera dahil sa gumegewang-gewang na sitwasyon ng industriya ng pelikulang Pilipino. Dito nabuo kay Jon ang balak niyang gumawa na lamang ng sarili niya.

“Kung gagawa tayo ng pelikula, huwag na tayong maghintay na may magpagawa sa atin. Ganoong attitude, ganoong frustration, at ganoong aspiration. Tayo-tayo, gumawa na lang tayo,” sambit ng 40-taong direktor at nakatatandang kapatid ng isa pang tanyag na indie at rebolusyonaryong director na si Raymond Red.

Sa angas na ito ni Direk Jon nabuo ang “Astig”. Hinugot niya ang ilan sa mga dati niyang kuwento na lagi niyang inilalako sa iba’t ibang kumpanya sa industriya at pinagsama-sama ang ilan sa mga karakter at ideya niya dito. Anim na buwan niyang nilamay ang paghihimay at pagsusulat hanggang sa mayari niya ang siyang tunay niyang nais gawin.

“Obligasyon ng isang manunulat na baliin niya ang nakasanayang paraan ng pagkukuwento ng istorya. Kailangang ipresinta niya ito sa ibang paraan,” ani ni Red.

At halos lahat nga ng nakaugaliang tradisyon sa pelikulang aksyon ay nilabag ni Direk Jon sa “Astig”. Sa kuwento pa lang medyo magkakainteres ka na. Lumilibot ito kay Bien (Robin), isang assassin na sa lahat ng magiging sakit ay “astigmatism”. Ang buong pelikula ay mapapanood mula sa “point of view” ng karakter ni Robin. Nagbibigay ang pelikula ng pakiramdam na parang isang interbyu o kaya’y isang monologue dahil lahat ng kumakausap kay Bien ay kumakausap sa kamera na si Robin ang nagpapatakbo. Naririnig natin ang boses ni Robin pero makikita lamang natin siya kapag tumitingin siya sa salamin. Binibigyan nito ng pagkakataon ang manonood na maging bahagi rin ng palabas at mamuhay sa mundo na ginagalawan ng pangunahing tauhan.

Ayon din kay Red, ang “Astig” ay bahagi ng isang trilogy kung saan ito ang gitnang kuwento na magdidikit at maghahabi sa dalawa niyang naunang trabaho, ang digital pioneer na “Still Lives” na ipinalabas noong 1999 at ang “Utang Ni Tatang” na umani ng Best Cinematography at Best Production Design noong 2002 Manila Film Festival. Bukod sa mga trabahong ito, nakalikha na rin siya ng ilan sa mga maimpluwensiyang short films sa kasaysayan ng independent cinema. Nariyan ang “Es” noong 1988 na ipinalabas sa Belgium Mondial dela Video Festival, “Tiempo” (1991), ang 1993 Metro Manila Film Festival nominee para sa Best Short Film “Trip”, ang maka-manggagawa na “Pabrika” (1995), ang anti-Martial Law na “The True, The Good, and The Beautiful” (1998), at ang dokumentaryo tungkol sa Abu Sayyaf kidnapping na “Bihag” na ipinalabas noong isang taon ng ABS-CBN. Direktor din si Jon ng mga pambatang palabas sa nasabing istasyon gaya ng “Hirayamanawari,” “Pahina,” “Sineskwela,” at “Epol/Apple”. Siya rin ang sumulat ng “Radyo” ni Direk Yam Laranas nu’ng 2001 na bumigla sa mga manonood sa bagong istilo ng pagkukuwento ng isang action-black comedy-thriller.

“Very improvisational si Jon, very experimental, very subversive, at very daring,” ayon kay Larry Manda, kaibigan at cinematographer ni Jon sa halos lahat ng naging trabaho nito sa loob ng sampung taon, kabilang na ang “Astig”. “May paraan siya para pagaangin pa lalo ang shoot. Siguro dahil sa sense of humor niya at siguro du’n sa state of mind niya sa tuwing magus-shoot. Wala kang makitang ka-pressure-pressure. Kung meron man, itinatago niya ‘yun o meron siyang paraan para hindi ipakita ‘yun.”

“Dynamic” naman ang matatawag sa kanya ng beteranong artista sa teatro na si Dido dela Paz. “Hindi siya plastik. Hindi siya nagpapaka-Hollywood kasi alam niyang hindi tayo Amerikano. Gusto niyang maging Filipino ang kanyang mga pelikula and be good at it. Meron siyang deeper insights kung paano ihahain ang istorya sa manonood na kapag nasanay na sila ay mas maghahanap na sila ng mas may kalidad na mga trabaho at hindi ‘yung basurang isinusubo sa atin ng Hollywood.”

Ayon kay Direk Jon, “laro” at “exercise” lamang kung ituring niya ang kanyang mga trabaho. Mas magaan daw kasi ang trabaho kung itinuturing itong mistulang “jamming” lang. Dagdag niya, sa bawat isa na kanyang idiniderehe ay para siyang estudyante na nag-aaral pa. “Sa buhay kasi, hindi ka natatapos maging estudyante. Pero kailangan hindi ikaw ‘yung estudyanteng seryoso at boring. Mas parang estudyante na naglalaro lang sa loob ng eskwelahan.”

Sa kasalukuyan, naghihintay si Direk Jon na maapruban ang alin man sa mga konseptong kanyang isinumite sa iba’t ibang malalaking produksyon. Kung walang mangyari sa mga ito, nakahanda siyang sumabak muli nitong bakasyon upang gawin ang “Kubeta,” isa na namang digital full-length film tungkol sa isang lalaking naglilinis ng inidoro na kumalaban sa malupit na pulitikong kapag umutot ay nayayanig ang buong kapuluan.

“Kapag maagang matapos, tamang-tama siya sa eleksyon,” nakangiti nang asam ng direktor. “At masaya kami kung may participation ulit ang mga mainstream actors.”

Sa panahon ngayon na mistulang pinamamahal na talaga ng mga dayuhang mangangalakal ang paggawa ng pelikula upang sa gayon ay mga pelikulang mula sa Hollywood na lang ang panoorin ng madla at sa patuloy na ring pagkatakot ng mga prodyuser na sumugal sa mga hindi pangkaraniwang konsepto at istorya, ang ginagawang rebolusyon ni Jon at mga kasamahan nito na lumikha ng mga pelikula sa pamamagitan ng digital camera ay isang magandang simulain upang muling mamukadkad ang mahuhusay, alternatibo, at mapagpalayang mga kuwento na magbubukas muli sa kaisipan ng mga Pilipino. Kung hindi man magawa sa 35mm na kamera ang mga rebolusyonaryong ideya na ipinamalas noon nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, at Mike de Leon, ang digital filmmaking na maaari ang bago nitong midyum na tagapagsulong.

“Panahon na nga siguro para gumawa tayo ng mga pelikulang pinaniniwalaan natin,” ani ni Jon. “Panahon na para sa mga bagong filmmakers at mga bagong eksperimentasyon. Panahon na rin para sa isang bagong wave.”

Isang ‘astig’ na hamon mula maaari sa pinaka-astig na direktor sa ngayon. Isang astig na hamon na pihadong didinggin ng mga bagong manlilikha ng pelikula sa makabagong panahon. May siopao man o wala mula sa Kowloon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home