Monday, February 21, 2005

THE SCRIPT OF "ANG ANAK NI BROCKA"

i am sharing this script to people whom i hope understands the struggle. as you read along, sumabit sana kayo at umangkas sa biyaheng ito. sana maging anak din kayo ni brocka...
“ang anak ni brocka”
mula sa konsepto at panulat ni SIGFREID BARROS-SANCHEZ
para sa direksyon ni SIGFREID BARROS-SANCHEZ


THE MAIN CHARACTERS

TONY SERRANO, late 30s, (Nonie Buencamino), veteran reporter ng “SEMI-DOKYU”. Very professional.

ROENCE, 30s, (Roence Cruz), executive producer ng “SEMI-DOKYU,” isang bagong tele-magazine show. Very strict yet motherly. Go-getter pero intact ang morals.

RAUL, early 40s, (Raul Morit), researcher/writer ng “SEMI-DOKYU”. Down to earth pero malalim din kung pagsasalitain. Parang si Abner ng The Correspondents.

RAPH HERNANDEZ, 20s, (Rapunzel Hernandez), bagong reporter ng “SEMI-DOKYU”. Starts out as a pretty face pero matures as the group matures, too.

BOMBI, late 20s, (Bombi Plata), segment producer ng “SEMI-DOKYU”. Closet gay, chika power more than talent.

ICKAY, late 20s, (Ickay Eusebio), segment producer ng “SEMI-DOKYU”. Very strong character.

HECTOR, early 30s, (Hector Macaso), researcher/ writer ng “SEMI-DOKYU”. Underachieving.

JOURDAN, early 30s, (Jourdan Sebastian), researcher/ writer ng “SEMI-DOKYU”.

RONALD, 30s, (Ronald Tupas), researcher/writer ng “SEMI-DOKYU”.

THE CAMEO APPEARANCES

TWEETY ROBLES, 40s, (Shamaine Centenera), top reporter ng “PUNTO,” ang no.1 tele-magazine show ng isang top network. Will stop at nothing to get her story and determined to eat the competition alive.

ANGELA, 40s, (Hilda Koronel/ Chanda Romero/ Malu Barry), ex-Japayuki and junkie. Medyo pasaway na nanay ni Onil na nagsabing naanakan siya ni Lino Brocka.

CECILIA, 40s, (Gina Alajar/ Amy Austira), tiyahin ni Onil. NGO worker, feminist.

CORING, 30s, (Epi Quizon), gay. May-ari ng isang parlor.

ALING NILA, late 50s, (Cecille Guidote-Alvarez), naglilinis sa Rajah Sulayman Theater.

LINO, late 50s, (Philip Salvador), Porno movie director.

BROTHER ROD, late 40s, (Bembol Roco), barangay chairman and charismatic group leader.

CONGRESSMAN GUATLO, late 40s, (Christopher de Leon), corrupt politician.

TATA TIAGO, 60s, (Joonee Gamboa/ Mario O’Hara) tatay ni Ka Rene.

MANG PILO, 60s, (Augie Salvador/ Jess Santiago), taga-iskwater. Dating taga-pelikula. Location hunter.

MORET, 30s, (for audition), babaeng lukaret na pagala-gala sa daan.

MICHAEL, 30s, (Mike Daganalan), kasamahan ni Tweety Robles.

THE SCREENPLAY

SCENE 1. INT. CONFERENCE ROOM. DAY.
BRAINSTORMING sa loob ng isang conference room ng isang maliit na TV network para sa palabas nila na “SEMI-DOKYU,” ang bago’t matapang na investigative tele-magazine show. Nakaupo sa paligid ng isang malaking lamesa ang buong staff na kinabibilangan ng mga reporters ng palabas na sina TONY SERRANO at RAPH HERNANDEZ, ang mga segment producers na sina ICKAY, at BOMBI, at ang mga researcher/writers na sina RAUL, JOURDAN at RONALD.

Nasa harapan nila ang executive producer na si ROENCE who seems to be pressuring the staff for their next story.

RAUL
Anak?

ROENCE
Oo, anak! Manganak kayo! Bigyan niyo ulit ako ng bago at kakaibang istorya! Kagabi, suwerte tayo. Naungusan natin ng one percent ang programa sa kabila. Pumalo ng fourty-two percent ang “SEMI-DOKYU” natin tungkol sa mga film editors na unti-unting nawawalan na ng trabaho dahil sa digital films. Maganda ang feedback sa “Moviola”. Damang-dama nila ang puso at pulso. Congratulations, JOURDAN, ICKAY.

JOURDAN and ICKAY humbly nod as the group applauds them.

BOMBI
Ma’am ROENCE, ‘yung istorya natin last week tungkol sa buhay-ilalim at buhay-ibabaw ng Cubao? Nag-rate ba?

ROENCE
Naka-thirty eight percent. Ok na. Fourty-percent pumalo ‘yung “Punto”. That preceded our roll. Ibig sabihin, dalawang linggo na nating pinangangatog ang tuhod ng kabilang programa.

Magpapalakpakan ang grupo.

JOURDAN
Pihado ngayon nagsisisi na si Tweety kung bakit lumipat siya.
(turns to RAPH)
At mukhang swerte rin ang bagong co-anchor natin.

RAPH
Swerte ka diyan! It has nothing to do with me or luck. Hard work ng bawat isa kaya tayo ngayon nangunguna.

TONY
(Calms them down)
Tama. Pero masyado pang maaga para magsaya. Kailangan nating ipakita na kaya nating i-maintain ang lead natin sa ratings game. Pihadong gagawa ng paraan ang kabila para mabawi nila ang audience na nawala sa kanila. One-percent is not the safest lead in this business.

ROENCE
Kaya nga kailangan natin ng istorya. Mga bagong istorya. That separates us from the competition. Fresh at walang takot na mga istorya. May naka-imbak pa tayo na isa pero after that, wala na. ICKAY, what do you have?

ICKAY
(Looking at her notes)
May fina-follow-up ako. Tungkol dun sa mga gumagawa ng Betamax porno movies noong ‘80s. Hinihintay ko lang ‘yung source ko. Ipapakilala daw niya ‘yung isa sa mga dating nagdi-direk ng mga ganitong pelikula.

BOMBI
Tamang-tama pala du’n sa isang istorya ko. May nakilala kasi ako. Dating nag-aartista sa ganyang mga pelikula.

TONY
Good! Pwedeng pag-isahin na.

ROENCE
JOURDAN, ano’ng meron ka?

JOURDAN
Music naman sana. I’m doing this piece on this ‘90s Pinoy rock music bible. ‘Yung Rock & Rhythm. What happens to the staff after ten years na nawala sila.

TONY
A, oo, naaalala ko pa ‘yang songmag na ‘yan! Maganda ‘yan! Baka pwedeng ituhog mo na rin ang dying business ng songhits. Kung bakit wala nang bumibili ng songhits.

ROENCE
And, RONALD?

RONALD
Istorya ko ‘yung naka-imbak natin na isa. May follow-up ako du’n na interviews sa mga baguhang director ng Philippine cinema.

ROENCE
Then, that leaves us with HECTOR.
(Notices HECTOR is not around)
Teka, nasan na pala si HECTOR? RAUL, asan na ‘yung partner mo?

RAUL
Umuwi kahapon sa Nueva Ecija, Ma’am. Pero nagpasabi na hahabol daw siya ngayon.

Door opens. Si HECTOR.

RAUL
O, ayan na po pala…

HECTOR
Good afternoon, pipol. Sorry late ako.

ROENCE
Kailan ka ba naging maaga? Siguraduhin mo lang hindi mo ni-recycle sa basurahan ang palusot mo.

HECTOR
(Magpapatawa)
Pwede ba ‘yung “may tumawid kasi na giraffe sa kalsada”?

ROENCE
Aba! Bago ‘yan, a! Huwag mong sabihin na ‘yan na rin ang istoryang ipi-pitch mo?

HECTOR
A, hindi, Ma’am. Meron akong mas maganda. At pihado ko eto ang kauna-unahan kong istorya na magugulat kayo.

BOMBI
(Magpapasaring)
Nagulat din naman kami du’n sa iba. It so happened lang nga, hanggang gulat lang talaga.

Tawanan ang grupo.

TONY
Aber! Pakinggan nga natin kung ano’ng meron ka.

HECTOR
Umuwi ako kahapon sa amin. Sa San Jose, sa Nueva Ecija. Hulaan niyo kung ano?

ICKAY
Don’t tell me. May mga dinosaur naman sa Nueva Ecija?

HECTOR
Hindi! Isang araw bago ako dumating do’n, may dumating rin na tao. May hinahanap. Tinatanong ‘yung mga matatandang taga-roon. Pati ‘yung Tatay ko tinanong.

RONALD
Dalawang klaseng tao lang ‘yan. Pulis o buntis? Pero malabong naka-buntis ka kaya malamang pulis.

HECTOR
Hindi rin! Hindi ako ang hinahanap! Pero mabibigla kayo sa istorya niya. Mabibigla kayo sa identity niya. At mas lalo kayong mabibigla kung sino ang sinasabi niyang ama daw niya. Ang claim ng taong ‘to, anak daw siya ng isang sikat na taong taga-pelikula.

RAUL
Sino? Si Richard ba? Si Aga? Si Dagul? O si Mura?

HECTOR
Si Brocka.

ICKAY
Brocka? “The” Lino Brocka?

HECTOR
Yup. Anak ng nasirang Direk Lino Brocka.

TONY
Imposible! Walang anak si Lino Brocka!

BOMBI
Oo nga. That’s blasphemy.

HECTOR
E, bakit naman, BOMBI?

BOMBI
Dahil bakla si Lino Brocka.

HECTOR
E bakit si Ogie Diaz? Si Jun Encarnacion? Si Tita Swarding? Bakla din sila, di ba? Pero may mga anak sila.

BOMBI
Pero hindi ang isang katulad ni Lino Brocka. Lalo na kung ngayon lang magpapakita ang taong ‘yan na nagke-claim na anak siya. Mukhang palpak na naman ang istorya mo, Hek, a. Kuryente ka na naman yata.

HECTOR
E paano kung this time hindi?

RAUL
Oo nga naman.

ROENCE
Then we might have stumbled into the biggest story of the year. “Ang Anak Ni Lino Brocka”. Who’s in favor that we do a story on this?

Magtataas ng kamay sina RAUL, HECTOR, RAPH, RONALD, at isang cameraman na malalaman lang natin as ROENCE looks at the camera and counts him.

ROENCE
At sino’ng hindi pabor?

Magtataas ng kamay sina TONY, BOMBI, JOURDAN, ICKAY, at isa pang cameraman.

ROENCE
To break the tie, I say we do a story on this. Astig! Ang ganda! Nakikini-kinita ko na: “Ang Anak ni Brocka”: Meron nga ba o wala?

SCENE 2. MONTAGE. OPENING CREDITS.
Interview sa iba’t ibang tao. Mga ordinaryong tao gaya ng mga nagtitinda sa palengke, tambay sa kanto, nagtitinda ng diyaryo, nagpapautang na Arabo, guro, pari, at iba pa, interspersed with mga taong nakasama o nakasalamuha ni Lino Brocka during his days. People like Ricky Lee, Pete Lacaba, Direk Mel Chionglo, Behn Cervantes, Boy Roque, Dr. Bien Lumbera, etc. Lahat sila nagsasabi ng “Wala” sa screen. The montage ends with Behn Cervantes telling it straight sa camera: “Kanino? Kay Philip?!”

SCENE 3. EXT. SAN JOSE, NUEVA ECIJA. DAY.
CHARGEN: San Jose, Nueva Ecija. Mag-iinterview sina HECTOR, RAUL, RAPH, at RONALD bilang isang grupo. Ang iba ay nagsasagawa ng kanilang separate interviews sa Maynila.

Some of those who will be interviewed are members of Lino Brocka’s family from his mother’s side (Ortiz). Some are classmates from Nueva Ecija North High School where Brocka graduated in 1956. Some of them are clueless about this person na nagsasabing anak siya ni Lino Brocka. But they have many wonderful stories about Lino Brocka. Among the many real people interviewed na taga-San Jose, may mai-interview sila na isang grupo ng mga matatanda who will tell them na may nagpunta nga doon na nagsasabing anak siya ni Lino Brocka.

MATANDA 1
May nagpunta nga dito, dalawa sila. May hinahanap ‘yung isa sa kanila. Itinatanong saan daw nakatira ang pamilya ni Direk Lino Brocka. Parang basketball player ang pangalan nung nagtatanong.
(Turns to the guy beside him)
Jordan ba ‘yon? Kobe? Shaquille?

MATANDA 2
“Onil”. ‘Yun ang pakilala niya, “Onil”. Nag-iwan ng number ‘yung kasama niya.
(Pulls out something from his wallet)
Eto. Kontakin daw dito kapag mapagawi raw dito ‘yung kapatid ni Lino Brocka, si Danilo.

Hands the contact number to the camera.

SCENE 4B.INT. BAHAY NINA TABLOID. DAY.
Ini-interview ng mga staff na sina ICKAY, BOMBI, at JOURDAN si TABLOID, 20s, sa bahay nito. Nasa background ang mga magulang ni Tabloid. CHARGEN: TABLOID ALMARIO.

TABLOID
Nakilala ko siya diyan sa bagong video shop sa may kanto. Anak siya nung may-ari. ‘Yun nga, anak daw kay Lino Brocka.

CUT TO:
Flashback. POV ni Onil ang camera. Nakatingin siya kay Tabloid habang iniaabot sa kanya ang mga VCD na rerentahan nito. Ganito natin makikita althoughout the movie ang flashback ayon sa mga nagkukuwentong nakilala nila ang nagsasabing “anak” ni Lino Brocka.

CUT BACK TO:
Present time. Balik sa interview kay Tabloid.

TABLOID
Angelino. ‘Yun ang totoong pangalan niya. Magdadalawang buwan pa lang sila diyan. Ex-Japayuki ‘ata ‘yung Nanay. Nagpasama sa ‘kin sa Nueva Ecija. Wala naman akong ginagawa kaya sinamahan ko na.

JOURDAN
Kilala mo ba si Lino Brocka?

TABLOID
Personally, siyempre hindi. Bata pa ako. Pero alam ko direktor siya dati sa pelikula. May mga clippings ang nanay ko sa kanya. Nagtatrabaho kasi ang mga magulang ko dati sa isang tabloid, du’n sila nagkakilala kaya Tabloid din ang ipinangalan nila sa ‘kin. Taga-clip ng mga istorya sa library ang Nanay. Reporter naman ang Tatay.

ICKAY
(Off cam. Camera turns to Tabloid’s mother.)
May mga clippings pa po ba kayo?

TABLOID’S MOTHER
Hiningi niya. Ng anak ni Lino Brocka. Ibinigay ko lahat sa kanya.

CUT TO:
Flashback. Kamay ng nanay ni Tabloid na iniaabot ang mga clippings niya tungkol kay Lino Brocka.

CUT BACK TO:
Present time. Na kay Tabloid muli ang kamera.

BOMBI
(Off-cam. Balik ang camera kay Tabloid)
Sinabi niya ba sa ‘yo kung paano siya naging anak ni Lino Brocka?

TABLOID
Nabuntis daw ‘yung Nanay niya nung nagsu-shooting ng pelikula si Lino Brocka.

JOURDAN
Anong pelikula?

TABLOID
Hindi niya nasabi kung ano.

BOMBI
Sigurado ba siyang si Direk Lino Brocka nga ang nakabuntis sa Nanay niya?

TABLOID
‘Yun ang sabi niya.

ICKAY
Ilang taon na ba ‘tong sinasabi mong anak ni Lino Brocka?

TABLOID
Mga beinte-anyos siguro. Mga ka-edad ko.

ICKAY
Beinte-anyos at hindi niya kilala kung sino si Lino Brocka?

TABLOID’S MOTHER
Bakit, hija? Sa tingin niyo ba, sa panahon ngayon, ilang beinte anyos-pababa na kabataan pa ba ang nakakakilala kay Lino Brocka?

SCENE 5. MONTAGE.
Ini-interview ang iba’t ibang kabataang nasa edad beinte-anyos pababa kung kakilala nila si Lino Brocka. Ang mga kabataan ay mixture ng mga kabataang nag-aaral at mga kabataang tambay na lamang o laman na lamang ng kalsada. Kukunin natin ang mga reaksyon nila. Tatlong tanong lang ang sasagutin ng bawat isa: “Kilala niyo ba si Lino Brocka?” “Anong paborito niyong pelikula niya?” at “Gaano niyo siya kakilala?”. Boses ni JOURDAN ang maririnig nating nagtatanong.

SCENE 6. EXT. ANGELA’S VIDEO SHOP. DAY.
Nasa tapat ng Angela’s Video Shop sa may Vito Cruz ang grupo nina BOMBI, ICKAY, at JOURDAN. Sarado ang Video Shop. Sa tapat, may makikita silang isang pamilya --- mag-asawang may tatlong anak na bata at isang kasambahay nila. Masayang kumakanta ang mga ito.

SCENE 7. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Nakaupo doon sina HECTOR, RAUL, RAPH, at RONALD na nagdi-discuss ng notes nila nang dumating si ROENCE na may buhat-buhat na isang kahon. Ibabagsak niya ito sa harapan ng grupo.

RAUL
(peeks inside)
Ano ‘to, Ma’am?

ROENCE
Huwag mong sabihin sa ‘kin na ngayon ka lang nakakita ng Betamax tapes. Mas matanda ka pa sa ‘kin, unggoy ka!

RAUL
(Tatawa)
Ang ibig kong sabihin, ano’ng laman ng mga ‘to?

ROENCE
Mga pelikula ni Lino Brocka. Hiniram ko sa archives ng network. Magre-research kayo ‘ka ko para sa istorya niyo.

HECTOR
(Makikikalkal na rin)
Panonoorin namin lahat ‘to?

ROENCE
‘Yun ang description ng trabaho mo, di ba? Researcher-slash-writer. Kaya, obligado ka.

RAPH
Anu-ano bang mga pelikula ‘to?
(looks inside and gets one tape)
“Insiang”?

HECTOR
(Magpapatawa)
Pihado, tungkol ‘yan sa bagyo.

RAPH
(Gets one again)
“Bona”?

RONALD
Tungkol sa gatas ng bata.

RAPH
“Tinimbang Ka Ngunit Kulang”?

HECTOR
Tungkol sa pandaraya ng mga tindera sa palengke.

RAPH
“Cain at Abel”?

RONALD
Gay movie. Parang “Esteba’t Adan”.

RAPH
“Hot Property”?

HECTOR
Bahay ng mga AFP at PNP generals.

RAPH
“Miguelito Ang Batang Rebelde”?

RONALD
Tungkol kay First Gentleman.

RAUL
(Gets one tape)
Eto. Alam ko ‘to. Tungkol sa marijuana ‘to.

ROENCE
(gets the tape)
Patingin nga. “Orapronobis”? Marijuana?

RAUL
Oo, Ma’am. ‘Yun ang scientific name ng ganja: “Sativa Orapronobis”.

ROENCE
“Cannabis,” tanga!

RAUL
Alam ko. Sinusubukan ko lang kayo.

Tawanan sila.

ROENCE
Hay, naku! Wala tayong matatapos dito. Mabuti pa, simulan niyo nang panoorin ang mga ‘yan nang makausad-usad na kayo.

ROENCE puts a tape inside the player and starts to watch the films.

SCENE 8. MONTAGE. NIGHT.
Series of dissolves of movie clips ng mga pelikula ni Lino Brocka. His earliest films that may include “Wanted: Perfect Mother,” “Santiago,” “Tubog Sa Ginto,” “Now,” “Lumuha Pati Mga Anghel,” “Cadena de Amor,” “Stardoom,” “Villa Miranda,” “Cherry Blossoms,” “Tinimbang Ka Ngunit Kulang,”Tatlo, Dalawa, Isa,” and “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag.”

DISSOLVED TO:
SCENE 9. INT. ROOM. NIGHT.
Binubuklat ni TONY ang isang libro, Mario Hernando’s “Lino Brocka: The Artist and His Times”. Inililista niya ang ilang titulo ng mga pelikula ni Lino Brocka sa isang papel nang biglang pumasok si ROENCE.

TONY
…“Bayan Ko: Kapit Sa Patalim,” “Adultery: Aida Macaraeg Case No. 7892,” “Akin Ang Iyong Katawan,” “Experience,” “Miguelito Ang Batang Rebelde,” “White Slavery,” “Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos”…

ROENCE
Ano’ng ginagawa mo, TONY?

TONY
Nililista ko lahat ng pelikulang ginawa ni Lino Brocka mula nineteen eighty-four to nineteen eighty-five.

ROENCE
Para sa?

TONY
Para malaman natin ang katauhan ng “anak” ni Lino Brocka.

ROENCE
Ha? I don’t get it…

TONY
Simple lang. Kung nasa edad beinte o beinte-uno anyos ang lalaking nagsasabing anak siya ni Lino Brocka, isa sa set ng pitong pelikula na ‘to nabuntis ang Nanay niya. All we have to do is interviewhin ang mga dating staff ni Lino Brocka noong panahon na ‘to at malalaman natin kung alin ang posibleng pelikula na may nabuntis siya.

SCENE 10. MONTAGE. DAY.
Series of interviews kina Pete Lacaba, Jeric Soriano, Joey Luna, Ricky Lee, Butch Dalisay, Carmi Martin, Rez Cortez, Dido dela Paz, Menggie Cobarrubias, Mother Lily, Snooky, Aga Muhlach, Sarsi Emmanuelle, at Augusto Salvador. Ang tanong na sasagutin: “Posible po kaya na may nabuntis si Lino Brocka habang ginagawa niyo noon ang pelikula niyo sa kanya?”

SCENE 11. INT. CONFERENCE ROOM. DAY.
Nagmi-meeting muli ang buong grupo.

ROENCE
(To BOMBI and ICKAY)
Ano’ng developments?

BOMBI
Wala pa ring tao sa bahay nila. Ang balita namin sa katabing bahay, umuwi raw sa probinsya ‘yung ina. ‘Yung Onil naman, mukhang hindi rin umuuwi sa kanila.

JOURDAN
Susubukan ko ulit na tumambay do’n sa lugar nila. Baka may makuha akong impormasyon sa ibang tao du’n na nakasalamuha niya.

ROENCE
Good! ICKAY?

ICKAY
Papunta ako sa U.P. mamaya. Magtatanong na ako ng ibang mga tao ro’n na pwedeng maging resource persons tungkol sa college years ni Lino Brocka. Baka may pagkakahawig sila ng anak niya sa ganoong edad.

SCENE 12. MONTAGE.
Nagsasalita ang ilang mga nakasama ni Lino Brocka noong estudyante pa lang siya sa U.P. gaya nina Joonee Gamboa, Behn Cervantes, Bien Lumbera, Nestor Torre, etc. They will try to recall the student days of the “provinciano” Lino Brocka. Some very funny anecdotes.

SCENE 13. INT. CORING’S BEAUTY PARLOR. DAY.
Sinisilip-silip ng kamera ang loob ng beauty parlor ng baklang si CORING. Nakaupo doon at sineservice-an si BENITO, 40s, isang baklang patago. Pine-pedicure-an siya ni TIYA BEBANG, 40s, ang assistant ni Coring. May litrato ng isang lalaking nakabihis-marino sa isang tabi.

BENITO
(Gay tone)
Dahan-dahan, Bebang, ha?

BEBANG
Hay, naku, Benito! Sa tagal mo nang nagpapalinis ng kuko dito, kailan ba kita nasugatan?

BENITO
Ikaw naman! Nagpapaalala lang. Wala namang masama. Di ba, Coring?

Papasok sina JOURDAN at BOMBI.

CORING
Yes?

JOURDAN
Itatanong lang sana namin kung kakilala niyo ‘yung mag-inang nakatira diyan sa may video shop sa kanto?

CORING
Ah! ‘Yung bagong lipat? Oo. Nagpa-service ‘yung mag-ina dito mga four days ago. Di ba, Bebang?

BEBANG
Oo! Ang pagkakarinig ko, a-attend ata ng reunion ‘yung si Aling Lala sa probinsya nila kaya nagpaganda.

JOURDAN
E ‘yung anak? Ano’ng Ipinagawa?

CORING
Nagpagupit sa akin ‘yung bata. Pero nakakatawa. Kasi may pinagaya siya na igupit ko raw sa kanya.

BOMBI
Anong gupit?

CUT TO:
Flashback. POV ni Onil. Habang iniaabot ang isang litrato kay Coring.

CUT BACK TO:
Present day. Ipinapakita naman pabalik ni Coring ang litrato.

CORING
Eto, naiwan niya.

Shows a photo of Lino Brocka. Pagmamasdan itong mabuti ng dalawa.

CORING
Ginawa ko ngang kamukha niya. Pareho kasi silang kulot ang buhok at naka-salamin. Sasabihin mo nga na mag-ama sila kung hindi lang nga kilalang bakla si Lino Brocka.

Biglang may lalabas na bata sa loob ng isang kuwarto. Umiiyak ito. Kukunin ito ni Coring at bubuhatin.

CORING
O, tahan na. Tahan. Dito ka na kay Papa mong Mama.

Biglang may papasok na binatilyo sa parlor. Si SANTI, anak ni Benito

SANTI
Dad, tapos ka na?

BENITO
(Boses lalaki)
Patapos na, Santi. Hintayin mo na lang ako sa kotse, susunod na ako.

SCENE 14. INT. KOTSE. DAY.
Nasa loob ng sasakyan sina RAUL, HECTOR, RONALD, at RAPH. RAPH is reading a newspaper.

RONALD
Kung anak ka ni Lino Brocka, saang lugar ka pupunta?

RAUL
Tama naman ‘yung ginawa natin na sa Nueva Ecija muna pumunta. Nagkataon lang nga na nakaalis na ‘yung bata bago pa tayo nakarating du’n.

HECTOR
Saan pa ba pwede ‘yung pumunta?

RAPH
Subukan natin sa Fort Santiago.

HECTOR
Anak ni Lino Brocka ang hinahanap natin hindi si Kikritski Gorzavoh.

RAPH
Ha? Sino naman si Kikritski Gorzavoh?

HECTOR
Anak daw ni Jose Rizal sa Europe.

RAPH
E sino namang nagsabi sa ‘yo na anak ni Rizal ang pupuntahan natin sa Fort Santiago?

HECTOR
E dun mo gustong pumunta tayo, di ba?

RAPH
Kasi baka makakuha tayo ng sagot du’n tungkol sa anak ni Lino Brocka. Eto, o.
(Shows a newspaper story)
May play daw na ipinalabas sa Rajah Sulayman nung isang gabi. ‘Yung “Misererenobis”. Ayon dito, gagawin daw dapat na pelikula ‘yon ni Lino Brocka. Malay natin, baka napagawi du’n ‘yung bata.

CUT TO:
Trapik. Isa sa mga maiipit ang sasakyan nila. May mga pulubing magsusulputan upang samantalahin ang trapik sa kalsada.

Isang babae na may pasan-pasan na nanay sa likuran nito ang gagala sa harapan nila. May isang batang babae rin na pulubi. Sesenyas sila na hindi sila magbibigay. Mabibigla sila nang may titigil sa harapan nila na isang babaeng baliw. Si MORET. Buntis ito. Kakatok ito sa bintana nila. Pagbubuksan ito ni RAUL dahil ayaw tumabi at GO na.

RAUL
Pssst! Moret! Tumabi ka! GO na!

Hindi ito aalis. Sa halip ay magsasalita na para bang kakausapin sila.

MORET
Kilala niyo ba ang Tatay ng anak ko? Nakita niyo ba ang Tatay ng anak ko?

Matatahimik lamang sila.

SCENE 15. EXT. RAJAH SULAYMAN THEATER. DAY.
Sumisilip-silip ang grupo sa loob ng Rajah Sulayman. Wala silang makitang tao maliban sa isang matandang babaeng naglilinis sa loob, si ALING NILA. Lalapit ito sa kanila.

ALING NILA
May hinahanap po ba sila?

RAPH
A, e, ipapalabas pa po ba ‘yung “Misererenobis” mamayang gabi?

ALING NILA
Ang pagkakaalam ko po ay panghuli na po ‘yung kagabi. Bakit po ba?

RAPH
May hinahanap po kasi kaming tao, a… Aling…

ALING NILA
Nila po. Aling Nila.

RAPH
Aling Nila…

ALING NILA
E, mahigit tatlumpung taon na ho akong naglilinis dito, baka matulungan ko po kayo.

RONALD
Kung ganun ho e kilala niyo ho si Direk Lino Brocka?

ALING NILA
Oo, a! Andito na ako nung ipalabas ‘yung unang play na idinirek niya. Ano ba’ng title nun… a… “Cargoes”! ‘Yun nga! ‘Yun ang unang play niya.

RAPH
Laking PETA ho pala si Direk Lino Brocka…

ALING NILA
A, oo. Si Direk ang tumayong ina ng PETA nu’ng Dekada 70. Pag walang pera ang PETA, maghahanap siya. Siya rin ang nagpa-uso na gumamit ng mga artista sa pelikula sa mga stage plays. Inilapit niya sa masa ang teatro na dati-rati’y iilang elitista lamang at mga kamag-anak ng mga nagsisiganap ang nakakapanood. Kung di dahil kay Direk no’n, baka namatay na ang PETA.

RAPH
Sinu-sino ho ba’ng malalapit kay Direk Lino Brocka nu’ng mga panahon na ‘yun?

ALING NILA
Sina Direk Mario O’Hara, Direk Soxy Topacio, Direk Behn Cervantes, Direk Manny Castaneda, at iba pang matatagal na sa PETA. Pwede niyong tanungin sila.

RONALD
E, Aling Nila, may itatanong pa po kami sana.

ALING NILA
Ano ‘yon?

RONALD
Naniniwala ho ba kayong may anak si Lino Brocka.

ALING NILA
(Seseryoso ang mukha)
Nagpapatawa ka ba o gumagawa ng intriga?

SCENE 16. MONTAGE.
Series of interviews with PETA people at iba pang mga taong nakasama ni Lino Brocka noong nasa teatro pa siya. We’ll get glimpses of how Lino Brocka was during his theater days. His ascend from mere tagatapon ng ihi ng mga artista hanggang sa mag-direk siya.

SCENE 17. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Nagmi-meeting muli ang grupo.

TONY
Ok, Roence, ano’ng meron tayo, so far?

ROENCE
Not much. Ang alam lang natin, beinte hanggang beinte-uno anyos na lalaki, kulot din ang buhok, may-antipara, at pareho ngayon ang gupit kay Lino Brocka.

JOURDAN
Pero at least alam na natin na may nag-eexist nga talaga na taong sinasabing anak siya ni Lino Brocka. Ibig sabihin, may anak nga.

TONY
Ang tanong lang nga, nasa’n siya?

BOMBI
Why don’t we ask ourselves, sa’n ka nga ba pupunta kung anak ka ni Lino Brocka?

ICKAY
Or better, kung ikaw mismo si Lino Brocka, san ka namin makikita?

TONY
Me sagot ako diyan.

ICKAY
Saan?

TONY
Ano ba’ng laging naa-associate sa pangalan ni Lino Brocka? Anyone?
(Walang makakasagot)
Answer? Slum area. Ang lugar kung saan ayon sa mga makakata at aktibista ay mas makikita natin ang tunay na mukha ng bansa. Ang mukha ng karamihang pelikula ni Lino Brocka.

SCENE 18. EXT. SLUM AREAS. DAY/ NIGHT.
Iba-ibang mga eskinita, pasilyo, kalye, tambakan ng basura, estero, at slum areas sa Maynila. Papsukin ito ng kamera. Gagalugarin. Makikita natin na halos walang ipinagkaiba ang mga tanawin na ito sa mga tanawin na napanood natin sa mga pelikula ni Lino Brocka.

TONY
(Voice over)
…“Tatlo, Dalawa, Isa,” “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag,” “Insiang,” “Jaguar,” “Bona,” “Kapit Sa Patalim: Bayan Ko,” “Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos,” “Pasan Ko Ang Daigdig,” “Macho Dancer,” “Sa Kabila Ng Lahat.” Lahat ‘yan halos lumibot ang istorya sa isang lugar na kahit ano’ng gawin natin ay salamin pa rin ng takbo ng ating ekonomiya.

ROENCE
Thanks but no thanks sa “mahuhusay” na lider ng ating bansa…

TONY
Well, siguro nga, tama. Kung may New York City sila sa Amerika o mga villages sa Italy, mga romantic places sa France, o mga pyramid naman sa Ginza, tayo may mga makikipot na pasilyo, mapapanghing eskinita, mga esterong nakakasuka, at mala-bundok na mga tambakan ng basura. Nakakahiya man sigurong i-accept pero ‘yun pa rin ang hinahanap ng international market sa ating mga pelikula. Bukod sa globally-accepted na istorya, hinahanap nila ang proudly, Philippine-made: Iskwater’s area.

SCENE 19A. INT./EXT. TAPAT NG RIVAL NETWORK. DAY.
Nakatayo sa tabi ng isang poste ng Meralco si JOURDAN. Ang porma ng pagkakatayo niya doon ay porma ng tayo ni Bembol Roco sa Misericordia sa pelikulang “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag”. Ang POV ng camera ay POV ng camera ng kabilang network na nakatingin sa kanya from atop, afar.

TWEETY ROBLES
(Off-cam)
Mike, sandali nga.

MIKE
(Off-cam)
Yes, Ma’am?

TWEETY ROBLES
(Off-cam)
Taga-kabila ‘yun, di ba? Writer ng programa sa kabila.

MIKE
(Off-cam)
Oo nga, Ma’am, ‘no. Baka ho lilipat na? O kaya napirata?

TWEETY ROBLES
(Off-cam)
Kung napirata ‘yan, dapat alam natin, di ba? Pwera na lang kung may inaabangan ‘yan na istorya.

MIKE
(Off-cam)
Ano naman hong istorya?

TWEETY ROBLES
(Off-cam)
‘Yun ang kailangan nating malaman.

CUT TO:
SCENE 19B. EXT. TAPAT NG RIVAL NETWORK. DAY.
POV naman ngayon ng camera nina JOURDAN na papalapit sa kanya. Si BOMBI at si ICKAY na papalapit sa kanya.

BOMBI
Ano, JOURDAN? Ano’ng balita?

JOURDAN
Wala e. Nagsu-shooting pa raw si Christopher de Leon at si Bembol Roco ng telenovela nila. Mukhang ayaw pa-interview ng mga tao diyan sa kabila.

Biglang may tatabi sa kanila na isang fan na may hawak-hawak na litrato ng idol niyang si Joe Galvez na baguhang teen star. Mukhang die-hard fan ang babae. Bibigyan natin siya ng pangalan. Si MONA.

SCENE 20. MONTAGE.
Nagtatanong ang crew sa iba’t ibang tao sa slum area kung may nakita silang lalaking edad beinte hanggang beinte-uno anyos, kulot ang buhok, naka-salamin, at nagsasabing anak siya ni Lino Brocka. Iba-ibang tao ang napagtanungan nila pero iisa ang karaniwang sagot: “Wala”.

SCENE 21. EXT. PARADAHAN NG JEEP. DAY.
May mapagtatanungan silang dalawang siga sa isang tabi, sa paradahan ng mga jeepney driver na hinuhuthutan nila ng pera. Ito sina BOGART at TURKO. Nasa di-kalayuan ang isa pang lalaki, si FIDEL na mas mukhang weekling sa tatlo.

BOGART
Turko, anak daw ni Lino Brocka, may kilala ka?

TURKO
Ano? Anak ni Booba? Nagbunga pala ‘yung kumakalat na sex video niya.

RAPH
Brocka ho, hindi Booba. Anak ho ni Lino Brocka.

We see Fidel sa background getting a little excited sa hinahanap ng grupo.

TURKO
Ah, Lino Brocka ba? Di ba bakla ‘yun? Paano magkakaanak ‘yun?

RAPH
Di bale na lang ho. Salamat ho.

Camera moves away. As the group walks away, Fidel runs to them secretly and calls them sa isang tabi.

FIDEL
Pssst! Psst!
(Lalapit sa kanya ang grupo)
Alam ko kung sa’n niyo siya makikita.

SCENE 21. EXT. BAHAY NI CECILIA. DAY.
Naglalakad sila sa loob ng isang eskinita sa isang squatter’s area. May isang dalagang naglalaba sa isang tabi. May mga bata namang naglalaro sa isang gilid. Ang isa sa kanila ay tumutula pa. Mapapatingin dito si Raph.

BATA 1
Ang mga ulila ay kaawa-awa.
Gulanit ang damit.
Nasaan ka, ama ko?
Bakit mo kami iniwanan?
Kawawa ang buhay namin…

Matatapos ang tula. Magba-bow ang bata at magpapalakpakan ang mga kalaro niya. Mangingiti si Raph. Titigil sila sa tapat ng isang bahay. Tatawag si Fidel.

FIDEL
Aling Cecil? Aling Cecil?

Magbubukas ang pinto at makikita natin si ALING CECIL.

ALING CECIL
O, Fidel,bakit?

FIDEL
May naghahanap ho du’n sa pamangkin niyo.

Titingnan sila ni Aling Cecil sabay titingin sa paligid. Huli siyang titingin sa kamera at saka papasukin ang mga bisita.

ALING CECIL
Tuloy kayo…

SCENE 22. INT. BAHAY NI CECILIA. DAY.
Interview kay Cecilia. May CHARGEN sa screen: CECILIA MANALASTAS, NGO worker.

ALING CECIL
Pamangkin ko siya pero parang malayong kamag-anak na. ‘Yung Mama niya, pinsan ng pinsan kong taga-Aklan kaya parang hindi na rin namin kaanu-ano. Nung dalaga si Mama niya, si Lala, sa amin tumira ‘yan. Du’n sa lumang bahay namin sa may Guadalcanal sa Sta. Mesa. Nag-aral sandali dito sa Maynila tapos nu’ng biglang nabuntis tumigil na.

RAPH
Sino hong nakabuntis sa kanya? Totoo ho bang si Lino Brocka?

ALING CECIL
(Pauses and looks at them)
Alam niyo na rin pala ang istoryang ‘yan.

HECTOR
Totoo ho ba?

ALING CECIL
Hanggang ngayon, tuwing naririnig ko o naaalala ang istoryang ‘yan, hindi pa rin ako makapaniwala. Ilang beses kong itinanong kay Lala pero ‘yan ang pinagpipilitan niya. Na ang ama ng kanyang dinadalang bata noon ay walang iba kundi ang director na si Lino Brocka.

RAUL
Paano ho nangyari ‘yon? Meron ho ba siyang pruweba?

ALING CECIL
Sa bahay namin nag-shooting ang “Kapit Sa Patalim, Bayan Ko.” ‘Yung bahay na ginamit nina Philip Salvador at Gina Alajar. Du’n ‘yon sa amin, sa Sta. Mesa. Isang shooting day nila, umulan ng malakas kaya naipit ang crew. Nakauwi ang mga artista pero sinamahan ni Direk ‘yung mga crew hanggang dumating ‘yung sundo nila. Siguro, pagod na din, kaya natulog muna si Direk sa isang kuwarto sa bahay namin para magpahinga. Ewan ko pero biglang nawala si Lala. May pagka-lukaret din kasi ‘yung babaeng ‘yon at parang nakakawala sa hawla nung makapunta rito sa Maynila. Pagbalik niya sa kuwarto namin, hayun nagkuwento na. Nakatalik daw niya si Lino Brocka.

RAPH
Naniwala naman ho kayo sa kanya?

ALING CECIL
Siyempre hindi ha! Pero nung lumaki ang tiyan niya at walang ibang isinasagot kundi anak ni Lino Brocka ang nasa sinapupunan niya, pinabayaan na lang namin. Kasi kahit sino naman walang naniniwala. Bumalik ‘yan ng Aklan. Du’n na nanganak. Ang nakakatawa, pati pangalan ng anak niya, pinangatawanan talaga. “Angelino” pa ang napiling ipangalan sa bata. Pinaghalong pangalan niya na Angela at, obviously, pangalan ni Lino Brocka. Pero pagkapanganak, nag-Japan na. Sumusulat-sulat paminsan-minsan. Nu’ng una nagpapadala pa ng litrato ng bata. Tapos hindi na. Kaya nga nabigla ako three days ago nang may kumatok sa pintuan ko. Si Angelino. Ang anak ni Lala. Ang anak niyang sinasabing anak din ni Lino Brocka.

HECTOR
At naniniwala na ho kayo?

ALING CECIL
Kapag makikita niyo ang hitsura niya, maniniwala na rin kayo na anak siya talaga. Kamukhang-kamukha. Parang pinagbiyak na bunga.

RAPH
Asan na ho siya?

ALING CECIL
Nagkasalisihan lang kayo. Tatlong araw nandito pero umalis din kaninang umaga.

HECTOR
Sinabi ho ba kung sa’n pupunta?

ALING CECIL
Hindi sinabi. Pero sabi ko sa kanya, kung meron talagang masasabing anak ni Lino Brocka, ‘yun e walang iba kundi ang mga artistang nagsimula sa kamay niya. ‘Yung mga artistang unang lumabas at nahubog sa mga pelikula ni Direk Brocka.

SCENE 23. MONTAGE.
Series of interviews with actors and actresses na unang hinawakan ni Lino Brocka ang mga career bago naging mga kilalang artista ngayon. Interviews include those with Jaclyn Jose, Alan Paule, Timothy Diwa, Lorenzo Mara, William Lorenzo, Apa Ongpin, Rody Vera, Boy Roque, even Joel Torre and Ronnie Lazaro whose acting careers both started in a Lino Brocka set.

SCENE 24. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
ICKAY barges inside the conference room looking excited. He is met by ROENCE, TONY, BOMBI, and JOURDAN.

ICKAY
Guess what?

BOMBI
Nakita mo na ang anak ni Brocka?

ICKAY
Hindi pa pero meron akong nakuhang istorya na kasing kontrobersyal ng anak ni Brocka.

JOURDAN
Huwag mong sabihin, may anak din si Ishmael Bernal? O si Mike de Leon kaya?

ICKAY
Hindi. Patawa naman ‘to, o. Connected pa rin kay Lino Brocka. Guess kung sino’ng sikat na artista ang naka-relasyon niya?

ROENCE
Well, marami akong naririnig na balita. Halos lahat ng mga naging paborito niyang ginamit na artista sa mga pelikula niya ay naka-relasyon “daw” niya.

TONY
Oo nga. Hindi na sikreto ‘yan sa industriya.

ICKAY
Pero Hollywood actor ‘tong sinasabi kong naka-relasyon niya.

BOMBI
Sikat na Hollywood actor?

ICKAY
Kilalang-kilala.

BOMBI
Ha? Sino?

SCENE 25. MONTAGE.
Interviews with different personalities who know the story. Sina Behn Cervantes, Mel Chionglo, Joonee Gamboa, Ricky Lee, atbp. Hindi natin masyadong matukoy sa simula kung sino’ng artista ang tinutukoy nila. All we’ll know is part siya ng cast ng “Apocalypse Now” ni Francis Ford Coppola na Lino Brocka tried to contact when he was here filming the movie. Panay hapyaw ang mga sagot. Bahala na ang audience hulaan kung sino siya.

SCENE 26. MONTAGE.
Ipapakita ang mga snippets ng mga pelikula ni Lino Brocka na ginawa niya after the making of “Apocalypse Now” or after 1975. Films like “Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado,” “Insiang,” “Tahan Na, Empoy, Tahan,” “Tadhana: Ito Ang Lahing Pilipino,” “Inay,” “Mananayaw,” “Ang Tatay Kong Nanay,” “Gumising Ka, Maruja,” “Hayop Sa Hayop,” “Rubia Servios,” “Init,” “Ina, Kapatid, Anak,” “Jaguar,” “Ina Ka Ng Anak Mo,” “Nakaw na Pag-ibig,” “Angela Markado,” at “Bona”.

TONY
(Voice-over)
Ewan ko kung ako lang ang nakakakita, ha. Pero hindi niyo ba napapansin? Sa mga panahon na ‘to, parang naghahanap na rin ng sariling identity niya ang kanyang mga pelikula?

SCENE 27. INT./EXT. RIVAL NETWORK. DAY.
Nakatayo na naman sa tapat ng rival network si BOMBI. Pinagmamasdan muli siya mula sa itaas na office nina TWEETY at Michael. May dadaan sa tapat niya na isang security guard na hahawiin siya dahil may paparadang isang kotse sa tapat niya. Sipsip ang sikyu sa lalaking lalabas sa kotse. Parang si Poldo Miranda sa “Jaguar”.

Cut inside kina TWEETY at Mike.

TWEETY ROBLES
May balita ka na, Mike?

MIKE
Ang balita sa itaas, Ma’am, nagpapa-set daw ng meeting kina Christopher de Leon at kay Bembol Roco.

TWEETY ROBLES
Bakit daw?

MIKE
Hindi klaro masyado. Pero ang pagkakarinig ko po du’n sa insider natin sa kabila, may kinalaman daw kay Lino Brocka.

TWEETY ROBLES
Kay Lino Brocka? Bakit? Birthday ba? Death anniversary? Any significant dates we missed out ba?

MIKE
Ni-research ko nga po e. April 3, 1939 ipinanganak si Lino Brocka. May 21, 1991 naman namatay.

TWEETY ROBLES
They must be up to something na di natin alam. At kung anuman ‘yun, kailangan natin silang maunahan.

SCENE 28. INT. CONFERENCE ROOM. DAY.
Nag-uusap muli ang grupo. Si ROENCE muli ang namumuno sa kanila.

ROENCE
Angelino dela Cruz. May pangalan na tayo. Pero wala pa tayong footage o kaya ay litrato.

TONY
He could be any of those 20-21 year old na mga binata na makakasalubong niyo.

CUT TO:
SCENE 29. MONTAGE.
Interview ng iba’t ibang kabataan answering the question: “Ikaw ba ang anak ni Lino Brocka?” What we will see on the screen are real reactions of real people.

CUT BACK TO:
SCENE 30. INT. CONFERENCE ROOM. DAY.
Balik sa diskusyon ng grupo.

RAUL
Babalik ako, Ma’am, sa Tondo baka sakaling bumalik siya du’n sa tiyahin niya. Magmamatyag-matyag muna ako.
(Points to the camera)
Isasama ko ho muna ‘tong si Sig baka sakaling matsambahan namin ‘yung tao. Ttitimbre na lang ho ako sa inyo kapag sure na kami. Text-text na lang.

ICKAY
Ako, pass muna ako. Ifa-follow-up ko lang muna ‘yung istorya ko tungkol du’n sa mga gumagawa noon ng porno films sa Betamax. Para kahit paano may naka-imbak tayo kahit isa sakaling tumagal tayo sa paghahagilap niyang anak ni Brocka.

ROENCE
Very good. Ikaw, BOMBI, ano’ng balak mo?

BOMBI
May mga naisip akong tanungin na tao tungkol kay Lino Brocka. May mga lugar din ako na gustong pasukin baka sakaling may mga makita akong makakadagdag sa ating istorya. Kung okey lang sa inyo sana.

TONY
Basta sa ikagaganda ng istoya. Ano ba’ng balak mo?

BOMBI
Gusto ko sanang tingnan ang mundo ng kanyang pagiging bakla.

CUT TO:
SCENE 31. MONTAGE.
Interview sa mga karaniwang bakla sa kalye tungkol sa kanilang kaalaman tungkol kay Lino Brocka. Juxtaposed with interviews with well-known gay people sa loob at labas ng industriya. Some of them will give anecdotes on Lino Brocka bilang bakla. Ipapakita na he is also not as perfect, hindi dahil bakla siya, kundi dahil may mga nakaaway din siya sa pagiging bakla niya.

CUT TO:
SCENE 32. INT. GAY BAR. NIGHT.
Ang huling interview ay kay MAMA CHARLIE, 50, manager ng isang gay bar. Si BOMBI ang nag-iinterview sa kanya. While interviewing Mama Charlie ay may mga makikita tayo sa background na mga nagsasayaw na macho dancers.

MAMA CHARLIE
Bakla nga si Lino Brocka pero siya ‘yung tipo ng bakla na kapag lalaki ka, mag-iisip ka kung sino sa inyo ang mas bakla. Dahil matapang siya. Matapang ang mga pelikula niya. Mas may titi at mas may bayag kesa du’n sa ginagawa na pelikula ng mga mas lalaki sa kanya. Ako? Mas vaklush siguro ako sa kanya. Kaya nga dito na nag-thuderbird ang lola niyo sa trabaho na ‘to.
(Tatawa. Lilingon sa papasok na parokyano. Si Benito at si Coring)
So, pa’no? Maiwan ko muna kayo at may mga nagdadatingan na na mga parokyano.

BOMBI
Sige po. Salamat po, Mama Charlie.

Tatayo si Mama Charlie at maiiwan si BOMBI at ang cameraman. Makikita nating nakatingin si BOMBI sa mga nagsasayaw sa harapan. Magpa-pan ang camera sa entablado at magpa-pan pabalik kay BOMBI na mukhang interesadong-interesado sa nakikita nito.

SCENE 33. INT. KOTSE. NIGHT.
Nasa loob ng kotse si RAUL habang tinatanaw ang squatter’s area sa di-kalayuan. Haharap siya sa kamera.

RAUL
May anak ka ba, pare?

CAMERAMAN 1
Meron. Tatlong barako. Ikaw?

RAUL
Wala. Di na ako nag-asawa. Di na rin nga ako nag-anak. Sa panahon ngayon, tama na ‘yung sarili ko na lang ‘yung nahihirapan kesa may mga anak ka na idinadamay mo sa kahirapan ng buhay. Ang hirap e. Baka paglaki nila, manisi pa at mag-drama kung bakit binuhay mo pa sila.

Biglang mapapadaan sa tapat nila ang babaeng baliw na si Moret kasama ang isang lalaking ketongin. Hinahaplos-haplos ng lalaking ketongin ang tiyan ni Moret.

RAUL
(To the camera)
Patayin mo muna ‘yan. Sayang sa baterya. Mag-iisang bote muna ako sa tindahan. Sama ka?

SCENE 34. EXT. TULAY SA ESTERO. NIGHT.
POV ni Onil, ang anak ni Brocka. Maglalakad si RAUL sa madilim na tulay sa may estero. May makakasalubong siya na isang babae na may buhat-buhat na labahin sa kanyang ulo. May nakasunod na lalaki dito. Lalampas ito kay RAUL. Aalis si Onil at maglalakad palayo.

SCENE 35. EXT. TINDAHAN NIT TATA TIAGO. NIGHT.
Lalapit si RAUL sa tindahan and will instruct the cameraman.

RAUL
(To the camera)
‘Yan, pare. “On” mo ‘yang camera. Baka may ma-interview tayo dito.

Bibili si RAUL ng beer at yosi sa may tindahan. Nakaupo ang isang matanda sa loob na nanonood ng TV, si TATA TIAGO, late 50s. Isang babaeng apo niya ang nagtitinda. May mga nakatambay na sa tindahan na nag-iinuman din. Isa sa mga ito si MANG PILO, 60s. Mapapansin nito ang kamerang nakasunod kay RAUL.

MANG PILO
Taga-media ba kayo?

RAUL
Taga-channel 22 ho. Du’n ho sa programang “SEMI-DOKYU”.

MANG PILO
A, oo! Taga du’n ba kayo? Ano ba’ng kinukuhanan niyo?

RAUL
Nag-iinterview-interview ho kami ng mga tao.

MANG PILO
Tungkol saan ba at baka makatulong kami dito?

RAUL
Tungkol ho kay Lino Brocka.

MANG PILO
Si Direk Lino Brocka? Aba, nauuso na naman ata si Direk, a! Kani-kanina lang me binatilyo dito na nagtanong din tungkol sa kanya. Nakipag-inuman nga sa amin.

CUT TO:
Flashback. POV ni Onil na nakipag-toast ng iniinom kina Mang Pilo.

CUT BACK TO:
Present time. POV naman ng camera nina RAUL.

RAUL
(Looks around)
Ho? Nasa’n na ho?

MANG PILO
May dala-dalang bag. Umalis na. Kasamahan niyo ba?

RAUL
Hindi ho. Inaabangan nga ho namin para ma-interbyu. Ano hong sinabi sa inyo?

MANG PILO
Natatawa nga ako kasi mukhang mas nalasing agad kesa sa amin.

RAUL
Bakit naman ho?

MANG PILO
Akalain mo bang tanungin ba naman kami kung alam ba raw namin kung may anak si Lino Brocka.

RAUL
Ano hong sabi niyo?

MANG PILO
Siyempre, wala. Pero nu’ng nakadalawang shot pa ‘yung bata, humirit na naman. Akalain mo bang sabihin sa harapan namin, paano raw kung sabihin niyang siya ang anak ni Lino Brocka.

RAUL
Tumawa ho kayo?

MANG PILO
Naweirdohan ako, ang sabihin mo. Parang nakita ko na ‘to, sabi ko du’n sa binatilyo.

RAUL
Bakit ho?

MANG PILO
Dahil naghahanap din ng Tatay niya si Lino Brocka nu’ng makilala ko siya.

RAUL
Kilala niyo si Lino Brocka?

MANG PILO
Isang beses ko lang siya nakita. Binata pa ako nu’n. Matagal na panahon na.

SCENE 36. INT. CONFERENCE ROOM./ TV SET. DAY.
Nakatingin ang grupo sa footage ni RAUL na shinoot nung gabi. Nagsasalita sa screen si Mang Pilo.

MANG PILO
(On the TV screen)
Tubong-Sorsogon ako. May bangkang de motor ako noon. Mga 1975 o 1976 ‘yun siguro. May dalawang lalaking umupa noon ng bangka ko. May hinahanap ang isa sa kanila, si Direk Lino Brocka. Hindi ko pa siya nu’n kilala. Wala pa kasing kuryente noon masyado sa aming probinsya. Sabi niya, natatandaan niya, isa sa mga islang nakapaligid do’n sa Pilar siya ipinanganak at nagkaisip. Ang natatandaan daw niya, may lagoon daw, magandang-magandang lagoon. Tatlong araw kaming paikut-ikot sa mga isla sa paligid pero di namin mahanap ‘yung sinasabi niya. Pero matigas ang kapit niya sa paniniwalang makikita at makikita niya ang kanyang hinahanap.

RAUL
(Off-cam)
Nakita niyo naman ho?

MANG PILO
Oo. Sa ikatlong gabi, kung saan halos suko na kami, biglang napatayo sa bangka si Direk Brocka. Tuwang-tuwa. Halos magtatatalon sa bangka. Hindi siya nag-aksaya ng oras nang makababa. Tanong siya nang tanong, “Kilala niyo po si Regino Brocka? Kilala niyo po si Regino Brocka?” Walang matandang nandoon ang hindi nakakakilala sa kanyang ama. Lahat ng papuri narinig niya. Pinakamagaling gumawa ng bangka, pinakamaaasahang mangangalakal ng kagamitang pambarko, pinakamahusay na kuwentista, pinakamatalino sa larangan ng pulitika. Lahat ng pinaka.

RAUL
(Off-cam. Natatawa)
Para ho palang bida sa pelikula.

MANG PILO
Pwede mong sabihing ganu’n na nga. Pero tao pa rin ang ama ni Lino Brocka. Hindi ito santo, hindi ito superman, tinatablan pa rin ito ng bala. Kasi, hindi na siya pinatawad ng mga konserbatibong mga taga-roon sa pinakamabigat na kasalanan niya. Nang iwan nito ang una niyang asawa at anim na anak upang sumama sa isang labinlimang-taon na dalaga. Ang ina ni Lino Brocka. Bago sila bumalik ng Maynila, nakipagkita muna si Direk sa unang asawa ng tatay niya at sa mga kapatid niya rito. Siguro, ‘yun ang dahilan kung kaya kahit masakit ang nalaman niya, masaya siya nung sumakay pabalik sa bangka. Dahil nabuo ang personalidad niya.

RAUL
(Off-cam)
Salamat po, ‘Tay. Ano nga po pala ang pangalan nila?

MANG PILO
Pilo. Mang Pilo. Pilo Madiaga.

CUT TO:
Nakatingin pa rin ang grupo sa TV set nila kahit tapos na ang interview. Hindi sila makapagsalita. Babasagin lamang ni ROENCE ang katahimikan nila.

ROENCE
Okey ‘to. Magandang teaser story natin ‘to. Si Lino Brocka at ang anak niya na parehong naghahanap ng identity nila.

TONY
Pero dapat, ROENCE, huwag nga nating gawin na parang santo o superhero sila.

ROENCE
What do you mean?

TONY
Kailangang malaman rin natin ang flaws ni Lino Brocka. Para kung saka-sakaling mahanap natin ‘yung anak niya, hindi rin tayo nag-eexpect na parang bida ‘yung binata sa pelikula.

CUT TO:
SCENE 37. MONTAGE.
Interviews sa iba’t ibang mga taong nakaaway o kaya ay may masamang bagay na masasabi sa pag-uugali ni Lino Brocka. They will answer the question, “Ano ang pinakamasamang ugali ni Lino Brocka?” Mare-reveal ang ilang fights he had with people who were once close to him like Mel Chionglo, Behn Cervantes, Joonee Gamboa, Laurice Guillen, Mario O’Hara, Mike de Leon, etc. Kumbakit ang ilan sa mga ito ay hindi rin nagpunta noon sa burol niya. We will also try to get interviews with Manoling Morato, Ismael Mathay, Imelda Marcos and Cory Aquino, mga taong nakabangga din niya.

SCENE 38. INT. KOTSE. DAY.
Nag-uusap sa loob sina RAUL, HECTOR, RAPH, at RONALD. Camera pans to each of them.

RAPH
Lahat pala halos kinaaway niya. Mga kaibigan, mga kasamahan, mga Marcos, pati mga Cojuangco at Aquino. Hindi mo maintindihan. Pro-Cory siya tapos nag-anti-Cory siya.

RAUL
Eto rin kasi ‘yung mga panahon na napabalitang komunista na daw siya. Nakulong siya, di ba?

RAPH
‘Ba! Ewan ko! Bata pa ako!

RAUL
(Alaskadong matatawa)
O, sige na, ako na ang matanda! Basta natatandaan ko noon, (clears throat) nu’ng “bata” pa ako, nahuli ‘yan sa Cubao. Alam ko kasi laking-Cubao ako. Narinig ko sa mga tiyuhin ko. Nahuli daw si Lino Brocka at pinaratangang komunista. Sumama at sumuporta daw kasi du’n sa mga nag-strike na jeepney drivers ng Cubao at nanawagan daw ng “himagsikan”.

HECTOR
Gano’n ba? Kung gano’n, alam ko na kung saan pa ang mga dapat nating puntahan na baka-sakaling pinuntahan din ng anak niya.

RAPH
Saan?

HECTOR
Maghahanap tayo ng mga strike, welga, piketlaytn, at mga kilos-protesta. Malay niyo nandoon ‘yung anak ni Brocka, aktibista na rin pala.

RAPH
Ako, may naisip ako isa pang maganda.

HECTOR
(Magbibiro)
Ano namang mas gaganda pa sa ‘yo?

RAPH
He! Tumigil ka nga! Ang gusto kong sabihin, mag-iinterview ako ng mga nakasama niyang aktibista, ‘yung mga aktib pa at ‘yung mga hindi na at ilang nakalimutan na rin siya.

SCENE 39. MONTAGE.
Interviews with people na mga nakasama niya sa kulungan nung makulong siya gaya nina Boy Roque, Howie Severino, Behn Cervantes, at ilang mga nabubuhay pang mga jeepney drivers sa Cubao. Mag-iinterview din sa mga miyembro ng Concerned Artists of the Philippines, ang grupong binuo niya.

INTERCUT WITH:
SCENE 40. MONTAGE.
Scene 39 will be intercut with footages of piketlayns, strikes, rallies, and violent dispersals.

SCENE 41A. EXT. SLUM AREA. DAY.
Nagre-report ng news story niya si TWEETY ROBLES.

TWEETY
Nandito tayo ngayon sa Tondo kung saan may iilang nakabarikada na mga residente upang tutulan ang gagawing demolisyon sa lugar nila.

CUT TO:
SCENE 42. EXT. SLUM AREA. DAY.
Ini-interview si Cecilia. CHARGEN: CECILIA MANALASTAS, residente.

ALING CECIL
Paano naman ang trabaho namin dito? Ang pag-aaral ng mga bata? Malaki ang magiging adjustments ng bawat isa kapag na-relocate sila. May pabahay man, hindi naman mababayaran kasi wala ngang sigurado kaagad na trabaho sa lilipatan na lugar.

CUT BACK TO:
SCENE 41B. EXT. SLUM AREA. DAY.
Balik kay Tweety Robles.

TWEETY
Gayunpaman, nakapanayam din natin kanina ang barangay chairman ng lugar na ito na si Brother Rod Contra na mukhang pabor naman pala sa gagawing demolisyon.

CUT TO:
SCENE 42. INT. BARANGAY HALL. DAY.
Ini-interview si Barangay Chairman/ Brother Rod. CHARGEN: BRO. ROD CONTRA, Barangay Chairman. Napaka-banal ng hitsura niya. Very charismatic.

BROTHER ROD
Alam niyo, kapatid, wala namang masama sa demolisyon na gagawin. Hulog pa nga ng langit at kaloob ng Diyos dahil makapagbubukas ito ng maraming benipisyo at trabaho sa mga naririto. Kapag naipatayo na ang bagong project na flyover ni Congressman, malaki ang posibilidad na isusunod na rin ‘yung proyektong mall ni Mr. Yap dito. Sobra-sobra sa blessings, di ba?

CUT TO:
SCENE 43. INT. OFFICE NI CONGRESSMAN GUATLO. DAY.
Si Congressman naman ang ini-interview. CHARGEN: CONGRESSMAN ALFRED GUATLO.

CONGRESSMAN GUATLO
Ire-relocate naman sila sa Sta. Rosa, sa Laguna. Sa Cavite naman ‘yung iba. Iskwater sila kaya naturalmente paaalisin sila dahil hindi sa kanila ang lupang kinatitirikan ng bahay nila. Mas marami ngang makikinabang na tao kapag na-debelop na ang lugar na ‘to. Kami na nga ang tumutulong para mapabuti ang kalagayan nila, kami pa ang tinitira ng ilan sa kanila. Kunsabagay, kung makikita niyo, iilan lang talaga ang nagpo-protesta.

CUT BACK TO:

SCENE 41B. EXT. SLUM AREA. DAY.
Balik kay Tweety Robles.
TWEETY
Sinabi rin ni Congressman Guatlo na hindi lahat ng mga naka-barikada ay mga residente ng lugar na ito kundi may mga taga-ibang lugar rin at mga miyembro ng miltanteng grupo na nakikisawsaw sa gulo. Para sa iba pang karagdagang balita, abangan mamaya ang mga report sa nangungunang “Blangko”. At bukas ng gabi ang isang eksklusib na report sa kaganapang ito sa “Punto”. Ako po si Tweety Robles, magandang araw po.

MIKE
(Off-cam)
And, Cut!!!

Mamamatay ang camera. Bubukas muli after a few seconds We will now see Mike talking to Tweety.

MIKE
May good news ako, Ma’am, sa ‘yo.

TWEEY
Ano?

MIKE
Mukhang alam ko na po kung ano ‘yung nilulutong eksklusib report ng mga taga-“SEMI-DOKYU”.

TWEETY
Ano nga?

MIKE
May nakausap ho akong dalawang lalaki du’n sa paradahan ng jeep sa kanto. May nagpunta raw dito na mga taga-“SEMI-DOKYU”. At guess kung sino ang hinahanap nila?

Hindi na magsasalita si Tweety. Pikang-pika na ito sa suspense.

MIKE
Ang anak daw ni Lino Brocka!

TWEETY
(Medyo sasama ang mukha)
Yeah, right! ‘Yun ang scoop nila? Ano naman ang susunod? Manananggal? Aliens? UFO? I’m beginning to respect pa naman ‘yang bagong show ng ex-partner ko.

MIKE
E paano kung totoo?

TWEETY
E di gumawa tayo ng pangsalo to prove na hindi totoo.

SCENE 43. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Tinitingnan ni TONY ang litrato ng mga anak niya. Pinagmamasdan niya ang mga ito nang biglang pumasok si Roence at Raph. Mabibigla ito.

ROENCE
Oooops! Sorry! Did we bother you?

TONY
Hindi, hindi. Okey lang. Tinitingnan ko lang ‘tong litrato ng mga bata.

ROENCE
Oo nga pala. Kamusta sila?

TONY
After the annulment, medyo naninibago sila sa setup namin ng Mommy nila. Pero ganyan talaga. Kesa araw-araw nilang nakikitang parang me gera. Nami-miss ko lang nga. Mas dumami kasi assignments at trabaho. Mas kumonti naman ang oras ko sa mga anak ko.

ROENCE
After ng istorya nating ‘to, mag-aadvance taping tayo para makabawi ka naman sa mga bata. Ako rin nga, hindi ko natututukan lately si Tala.

TONY
Etong si Raph ang swerte. Dalaga pa. Walang asawa. Walang problema.

RAPH
Minsan nga nag-iisip-isip na din ako na gusto ko na ring may inuuwiang bata. Panghagod sa problema. Pero kapag nakakarinig naman ako ng mga ganyang istorya, parang ayoko na kasi dahil sa ganitong klaseng trabaho natin, hindi rin pala ako magiging mahusay na ina.

TONY
Naiisip ko tuloy, paano nga kaya kung etong binatang ‘tong hinahanap natin e anak nga talaga ni Lino Brocka? Kung buhay pa siya, paano niya kaya tatanggapin ang balitang may anak siya? Anong klaseng ama kaya siya? Magiging pabaya din kaya siya dahil sa klase ng trabaho niya?

ROENCE
Pero, ikaw, personally, naniniwala ka ba?

TONY
Na may anak siya? Di ba nga nagtaas ako ng kamay du’n sa mga hindi naniniwala?

ROENCE
E kamusta ngayon? Naniniwala ka na ba?

TONY
Kailangan kong maniwala dahil ipaglalaban ko ang istoryang ‘yan bukas sa harap ng kamera.

ROENCE
Ikaw, Raph?

RAPH
Lumaki akong hindi ko rin nakikilala kung sino ang tunay kong ama ko kaya alam niyo na kung bakit gano’n na lang simpatya ko dito sa lalaking ‘to.

TONY
E ikaw?

ROENCE
C’mon. Kahit ‘yung programa sa kabila, kapag narinig nila ang istoryang ito, kakagatin nila.

SCENE 44. MONTAGE.
Montage ng mga pelikula ni Brocka from 1981-1985 gaya ng “Burgis,” “Kontrobersyal,” “Hello, Young Lovers,” “Binata Si Mister, Dalaga Si Misis,” “Caught In The Act,” “Px,” “In Dis Korner,” “Palipat-lipat, Papalit-palit,” “Mother Dear,” “Cain at Abel,” “Strangers In Paradise,” “Hot Property,” “Bayan Ko: Kapit Sa Patalim,” “Adultery,” “Akin Ang Iyong Katawan,” “Experience,” “Miuelito: Ang Batang Rebelde,” “White Slavery,” up to “Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos.”

SCENE 45. INT. EDITING ROOM. DAY.
Nag-eedit sa loob sina Roence, RONALD, at Hector. They are viewing footages of interviews with young digital film directors like Jon Red, Erik Matti, Khavn dela Cruz, etc. regarding digital filmmaking. One of them will tell something about how useful the medium would have been during the time of Lino Brocka.

ROENCE
Maganda ‘tong naka-imbak natin na istorya tungkol sa digital cinema. Tamang-tama. Idudugsong natin dito ‘yung istorya ng anak ni Lino Brocka. Itu-two part natin habang hindi pa natin nakikita at nai-interview ‘yung anak ni Brocka. Patikim muna, kumbaga.

Bilang papasok si Tony. Masama ang mukha nito.

TONY SERRANO
Shit!

ROENCE
O, bakit? Ano’ng problema?

TONY SERRANO
Hindi niyo pa ba alam ‘yung balita?

ROENCE
Hindi pa. Ano ba?

TONY SERRANO
Mukhang may nag-leak sa kabila. Mamayang gabi, may istorya din sila tungkol kay Lino Brocka.

RONALD
Anak ng tutsa!

TONY SERRANO
Anak ng tutsa talaga!

RONALD
Alam na rin kaya nila ‘yung tungkol sa anak ni Brocka?

TONY SERRANO
Baka. Mukhang mahusay ‘yung espiya nila.

ROENCE
Mahusay man ang espiya, puso pa rin ng istorya ang magiging batayan ng ratings mamaya.

CUT TO:
SCENE 46. INT. STUDIO. RIVAL TV NETWORK. NIGHT.
Tweety is reporting her story sa kanyang palabas na “Punto”.

TWEETY ROBLES
Direk Lino Brocka. Haligi ng industriya mula Dekada 70 hanggang Dekada 80. Sino nga ba talaga siya? Bakit tinaguriang malaking kawalan siya sa mundo ng pelikula? Kamusta kaya siya ngayon kung nabubuhay pa siya? Halika’t silipin nating muli si Lino Brocka sa mata ng mga nakakakilala sa kanya.

INTERCUT WITH:
SCENE 47. INT. STUDIO. SEMI-DOKYU. NIGHT.
Tweety’s report and intro intercuts with Tony’s delivering his own intro on his Brocka story.

TONY SERRANO
Lino Brocka. Direktor sa teatro, sa TV, at sa pelikula. Artista ng bayan, bakla, at aktibista. Anak, ama, at ina. Kaibigan, kaaway, kakampi ng mga wala. Gaano nga ba natin kakilala si Direk Lino Brocka? Kakilala pa ba natin siya? May mga bagay pa ba tayong hindi alam sa kanya?

CUT TO:
SCENE 47. MONTAGE.
Interviews ng dalawang channels sa iba’t ibang tao regarding with how people see Lino Brocka’s works and the legacy he left behind. They will comment on his styles and his working attitude. May interview din with his brother DANILO BROCKA. Sa huli, mag-iiwan pareho ng tanong sina Tweety Robles at Tony Serrano. Intercut sa bawat isa.

TWEETY ROBLES
Ngayong mas nakilala natin si Direk Lino Brocka…

TONY SERRANO
Ngayong mas nahubaran natin ang pagkatao niya…

TWEETY ROBLES
Maniniwala ka ba…

TONY SERRANO
Matatanggap mo ba…

TWEETY ROBLES
Ang posibilidad…

TONY SERRANO
Ang realidad…

TWEETY ROBLES
Na maaaring isang ama…

TONY SERRANO
Na maaaring may anak…

TWEETY ROBLES/ TONY SERRANO
Si Lino Brocka.

TWEETY ROBLES
Sundan ang susunod na ulat…

TONY SERRANO
Ng eksklusibong istoryang ito…

TWEETY ROBLES
Sa susunod na linggo…

TONY SERRANO
Dito lamang sa pinagkakatiwalaan niyo…

TWEETY ROBLES/ TONY SERRANO
(In chorus)
“Punto”! / “Semi-Dokyu”

Screen turns to black.

DISSOLVED TO:
SCENE 48. INT. CONFERENCE ROOM. DAY.
Na-uusap muli ang buong grupo. Masayang-masaya sila. Naghihiyawan. Naungusan kasi nila sa ratings ang “Punto”.

ROENCE
Fourty-eight to fourty-one. Congratulations, everyone! For a while, akala ko padadapain tayo. Binulaga tayo ng report nina Tweety na ipinangtapat sa Brocka story natin.

TONY SERRANO
Oo nga. Akala ko may pasasabugin sila. Nakakuha sila ng exclusive interview sa kapatid ni Lino Brocka pero buti at pahapyaw ang sagot niya tungkol du’n sa isyu kung may anak ‘yung kapatid niya.

RAPH
Pero may padaplis na sa dulo, ha. Ibig sabihin, alam na talaga nila sa kabila ang tungkol sa anak ni Brocka.

TONY SERRANO
Which should keep us on our toes. Kilala ko si Tweety. Simula na ng gera ito para sa kanya. Gapangan na. Sulutan na ng istorya at mga sources. At pihado, kun ang stand natin sa istoryang ito ay may anak nga si Lino Brocka, gagawa ‘yan ng move to prove na patunayang wala.

ICKAY
Kung gano’n, we have less than a week to come up with something.

TONY SERRANO
Exactly. Suyurin na natin ang dapat suyurin.

CUT TO:
SCENE 49. MONTAGE.
Iba’t ibang interviews pa sa iba’t ibang mga tao. Maging mga hindi nakasama o nakatrabaho ni Lino Brocka but has something to say about him. Series of dissolves ng iba’t ibang mukha, kilala at di-kilala.

DISSOLVED TO:
SCENE 50. INT. BAR. NIGHT.
Maaaring sa Saguijo sa Makati o sa Big Sky Mind sa Quezon City. Tumutugtog ang bandang “The Brockas” na binubuo nina Rox Lee, Lav Diaz, Khavn dela Cruz, Earl Drilon, at Norman Wilwayco. Nanonood sina RONALD, JOURDAN, RAPH, BOMBI, at ICKAY.

RONALD
Maglalabin-limang taon nang patay si Lino Brocka pero kung tutuusin parang may iba’t ibang homage na ibinibigay lately sa alaala niya. May banda na na ipinangalan sa kanya at mga Awards na na ipinangalan in his honor. Baka susunod niyan, merchandising figure na rin siya gaya ni Che Guevarra. Makikita na rin natin siya sa mag T-shirts, stickers, posters, panyo, at kung anu-ano pa.

RAPH
Nakakatawa pero hindi malabong mangyari ‘yan. Pinoy pa! Hindi naman masama, di ba? At least Pinoy naman ang nakatatak sa damit mo at hindi pangalan o mukha ng banyaga. Everyone will aspire to be a Brocka.

ICKAY
Pero, iisa lang ang Lino Brocka. Napatunayan na ‘yan ng ibang direktor na pilit nanggagaya sa istilo niya. At kung makikita na nga natin ang anak niya, malamang, pagdirekin mo man ‘yan ng pelikula, hindi mo masasabing ala-Lino Brocka ang magagawa niya.

BOMBI
Last year nga may napanood ako na pelikula. Gawa ng isang pamangkin daw niya na taga-Amerika. Gay man ang tema, magkaiba pa rin ang istilo nila. Nagkataon lang na pareho silang bakla.

RAPH
Bakla rin kaya ang anak ni Lino Brocka?

BOMBI
‘Ba! Malay ko? Nasa’n ba siya?

JOURDAN
Oo nga. Nilibot na natin ang mundo ng teatro, TV, pelikula, maiinit na kalsada, mga welga, mga iskwater at eskinita, pero wala! Walang anak ni Lino Brocka! Nasaan ba talaga ‘tong anak ni Lino Brocka? Sa’n ba natin siya makikita?

Camera pans to each of their faces who all register blankexpressions as they have no clue. Ickay breaks the silence.

ICKAY
Baka naman talagang wala…

SCENE 51. EXT. SLUM AREA. DAY.
Darating sina Raul. Kasama niya si Tony at si Hector sa slum area. Marami nang taong nakabarikada.Sasalubungin sila ni Felipe. Nasa di-kalayuan si Tweety Robles. Magkakatinginan sila ni Tony, ang dati nitong ka-partner sa programang iniwanan niya.

FELIPE
Buti ho dumating kayo. Pero umalis muna ho siya. Pinaalis muna ni Aling Cecil at baka pag-initan daw siya.

TONY SERRANO
Sino’ng sinasabi mo?

FELIPE
Ang anak ho ni Lino Brocka.

RAUL
Nandito siya?

FELIPE
Bumalik ho siya nung ilang araw na hindi kayo nagawi dito. Siya ho ang nagpatapang ng loob ng mga taga-rito.

TONY SERRANO
E ano ba’ng ginawa niya?

FELIPE
Pagbalik niya ho rito, ibang-iba na siya. Pati pananalita. Siya ho ang naghikayat sa iba na sumama sa barikada. ‘Yung mga dati hong naduduwag at ayaw sumama, ‘yung mga dating nakatulala lang at nakatunganga, nawala ho ‘yung takot nu’ng nang malaman nilang anak ni Lino Brocka ang kumakausap sa kanila.

TONY SERRANO
Naniwala sila? Napaniwala sila?

FELIPE
Totoo daw sabi ni Tata Tiago. Wala raw ho duda. Siya daw ay anak ni Lino Brocka.

CUT TO:
SCENE 52. INT. TINDAHAN NI TATA TIAGO. DAY.
Ini-interview si Tata Tiago. CHARGEN: TATA TIAGO, 70.

TATA TIAGO
Dati akong utility boy sa pelikula. Nagtrabaho ako ng matagal sa set ni Direk Lino Brocka. Nung mamamatay siya, bihira nang may kumukuha sa akin kaya dito na rin ako at nag-alaga sa mga apo ko. Iniwan kasi sila sa akin ng anak kong si Danton at ng asawa nito.

TONY SERRANO
Bakit? Nasaan ho ang anak niyo at ang asawa nito?

TATA TIAGO
Patay na ‘yung manugang ko. Si Danton, sabihin na nating nasa mataas na uri ng pakikibaka.

RAUL
Sigurado ho ba talaga kayong anak nga siya niLino Brocka. Nandito ho ako nu’ng isang gabi pero parang di ko kayo nakakitaan na interesado kayo sa taong ito.

TATA TIAGO
Dahil sa simula, hindi rin ako naniniwala na anak siya. Nakita ko ‘yung bata nung unang dumating ‘yan dito sa squatter’s area. Wala, sabi ko. Imposibleng anak ni Direk. Maaaring kamukha pero mahina. Madaling peke-in ang hitsura ni Direk Lino Brocka at sabihing anak ka niya pero mahirap peke-in ang ugali niya at ang mga bagay na malapit sa puso niya. Maraming nakaaway si Direk nung panahon niya pero madalas dahil ‘yon sa pagtatanggol niya ng mga maliliit na tao sa likod ng kamera at sa mga karaniwang taong sa tingin niya ay hindi pantay ang karapatan sa iba.

TONY SERRANO
(Off-cam)
At ang anak niya?

CUT TO:
POV ni Onil. Makikita nating papalapit siya sa barikada at sa Tita Cecil niya na nagsasalita megaphone. Kukunin nito ang megaphone sa Tita Cecil niya at magsasalita. Makikita natin ang mga tao sa harapan niya. Parang nabuhayan sila. Sa pagbaba ng megaphone ay makikita nating nagliwanag lahat sa kanila. Sa isang tabi ay papalakpak si Tata Tiago at itataas ang kamao nito sabay mamumuno sa pag-chant ng “Brocka! Brocka!”.

CUT BACK TO:
Tata Tiago being interviewed.

TATA TIAGO
Nakita niya ang sarili niya. Pinahanga ako ng bata. Pinatunayan niyang anak nga siya ni Lino Brocka.

SCENE 53. INT. BARANGAY HALL. DAY.
Interview naman kay Bro. Rod Contra ng grupo nina Tweety Robles. May chargen muli.

BRO. ROD
Anak ni Brocka? Kapatid, ginagamit lang ‘yan ng mga grupong nakikisawsaw diyan para palakasin ang loob ng mga nakabarikada. Mabababa lamang ang pag-iisip at mahihina ang pananalig ng mga taong nagsasabing may anak si Lino Brocka. Wala! Walang anak si Brocka! Anak ng Diyos ang paniwalaan natin at hindi ang anak ni Brocka.

SCENE 54. INT. OFFICE NI CONGRESSMAN GUATLO. DAY.
Interview sa Congressman. May chargen rin. Galit na ito.

CONGRESSMAN GUATLO
Eto lang ang masasabi ko. Walang makakaharang sa proyekto kong ‘to. Wala akong pakialam kesyo anak ka pa ng kung sinong direktor sa pelikula o direktor sa punenarya. Ako ngayon ang may kontrol dito. Aksyon ko ‘to. Ako rin ang magsasabi kung kailan ako magka-“Cut!” sa proyektong ‘to.

SCENE 55.EXT. SLUM AREA.DAY.
Magkikita muli si Tweety at si Tony. Lalapitan ni Tony ang dating kasamahan.

TONY SERRANO
Kamusta?

TWEETY ROBLES
Okey ako. Nakapag-adjust na after one year na lumipat ako. Ikaw?

TONY SERRANO
Eto. Okey din. Me bagong partner ako at me bagong programa.

TWEETY ROBLES
Napanood ko nga. Goodluck sa inyo. Sana mapatunayan niyo ngang tama ang ang tinutumbok niyo sa istorya niyo.

TONY SERRANO
Pesonally, ano sa tingin mo?

TWEETY ROBLES
Kilala mo ako. I’m in this lang for the ride. Pagkatapos nito, sasakay naman ako sa bagong istoryang maluluto at mauuso. Pero hangga’t hot commodity ngayon si Lino Brocka at itong sinasabi niyong anak niya, dito muna ako. ‘Yun ang pagkakaiba natin. Masyado kang emotionally-involved sa mga istorya. Kaya sa programa natin noon hindi tayo magkasundo

TONY SERRANO
Siguro dahil bukod sa mamamahayag ako, magulang rin ako. Kaya‘yung mga istorya ko, hindi lang basta hanapbuhay ang pag-trato ko. Buhay na rin. May pawis, may puso, may kaluluwa, at may dugo.

Matatahimik si Tweety. Magkakatinginan sila ni Tony. Biglang lalapit si Mike sa kanila at may ibubulong kay Tweety. Bibilog ang mata ni Tweety sa maririnig. Excited ito.

TWEETY ROBLES
Mali ka pa rin, Tony. Etong ginagawa nating ‘to, karera pa rin ‘to. Negosyo. Ang mababagal ang makinarya,ang puro kaluluwa ang pinapagana at walang pera, umuuwing talo. Exccuse me, I have more important things to do.

SCENE 56. EXT. STATION NINA TONY. NIGHT.
POV ni Onil.Makikita niyan daratin ang sasakyan nina Tony Serrano at Raul. Makikita rin niyang lalabas ang mga ito at papasok sa loob ng istasyon.

SCENE 57A. INT. CONFERENCE ROOM.NIGHT.
POV ng kamera nina Tony. Papasok sila sa loob ng conference room. Everyone’s inside. Lahat sila naka-glue ang mga mata sa TV. They are looking at Tweety Robles’ report.

ROENCE
Buti dumating ka. Tamang-tama.

Hihila ng upuan si Tony at titingnan ang nasa TV.

CUT TO:
SCENE 58. INT. TV SET./ RIVAL TV NETWORK. NIGHT.
Nagre-report si Tweety Robles sa TV screen.

TWEETY ROBLES
Anak ni Brocka. Meron nga ba? Mag-iisang linggo na nang iwan tayo ng katanungang ‘yan ng isang programa mula sa kabilang istasyon. Marami ang nabigla, natawa, nagtanong, naintriga, at nagtaka. Pero, meron nga ba? O baka naman isa lamang itong istorya na inimbento at ginawa para, sa ngalan ng integridad, ay kumita at tumaas ang ratings nila. Para sagutin kung totoo nga nakapanayam po natin si Angela dela Cruz, ina ng binatang nagsasabing anak siya ni Lino Brocka.

CUT TO:
Angela o Aling Lala. CHARGEN: ANGELA DELA CRUZ, 40.

ANGELA DELA CRUZ
(Natatawa-tawa)
Ako ho ang ina ng batang sinasabing anak siya ni Lino Brocka. Totoo hong sinabi ko sa kanya na ang ama niya ay walang iba kundi ang batikang direktor na si Lino Brocka. Pero sinabi ko lang naman ho sa kanya ‘yun kasi nangungulit siya. Tanong ho siya ng tanong tungkol sa katauhan niya at tungkol sa tunay niyang ama kaya sinabi ko ho sa kanya na anak siya ni Lino Brocka para tumigil na. Hindi ko naman ho aakalaing seseryosohin niya nung iwan ko siya. Totoo hong nabuntis ako nung panahong nagsu-shooting ng pelikula si Direk Lino Brocka sa Sta. Mesa pero hindi ho si Direk ang ama ng bata. Tauhan niya ho sa pelikula. Tinanong ko ho siya.

CUT TO:
Flashback. Silhouette ng dalawang tao sa ilalim ng isang bahay.

YOUNG ANGELA
Ano ulit ang pangalan mo?

LINO
Lino.

YOUNG ANGELA
Lino ano?

Bubulong ito kay Angela at sabay tatawa ang dalaga.

CUT BACK TO:
Present time. Nagsasalita pa rin si Angela.

ANGELA DELA CRUZ
Nagkataong magkapangalan sila ni Direk Brocka.

TWEETY ROBLES
Sigurado ho ba kayo sa sinasabi niyo?

ANGELA DELA CRUZ
Ako ang ina niya. Kapag sinabi kong hindi siya anak ni Lino Brocka, hindi siya anak ni Lino Brocka.

TWEETY ROBLES
Maraming salamat po, Ms. Angela.
(Looks at the screen)
At para pa po sa kaganapan ng ibang balita, tumutok lamang po kayo mas pinagkakatiwalaan at mas kapani-paniwala. Dahil dito sa “Blangko”, hindi iniimbento ang mga balita.

CUT BACK TO:
SCENE 57B. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Nakatingin lamang sila sa TV. Si tony parang hindi pa rin makapaniwala.

TONY SERRANO
(Tatayo)
Malaki ang duda ko. Binayaran nila ‘yan para magsalita.

ROENCE
Actually, Tony, nagsasabi ng totoo ‘yung babae. Hindi nga anak ni Lino Brocka ang anak niya at anak ng iba.

TONY SERRANO
Ano’ng ibig mong sabihin?

ROENCE
(Turns to Ickay)
Ickay…

ICKAY
Di ba may ginagawa akong istorya tungkol sa mga Pinoy porno films noong Dekada 80?
(Takes out her tape at isasaksak ito)
Sorry, Tony, pero eto…

CUT TO:
SCENE 59A. INT. TV SCREEN. BAHAY NI LINO. DAY.
Parang putahan ang bahay. May mga lumang Betamax tapes sa paligid. Iang lalaking nasa edad 50 ang nakaupo sa isang gilid at nakasuot ng isang mukhang basahan na bathrobe. Eto na si Lino, ang lalaking nakatalik ni Angela.

LINO
Nagpi-P.A.-P.A. ako noon sa mga set nina Direk Ishma, Direk Mario O’Hara, Direk Mel Chionglo, at ni Direk Brocka. You can call me a frustrated filmmaker, kumbaga. Naghihintay ako ng break ko nung biglang nauso uli ang bomba. Lala Montelibano, Coca Nicolas, Pepsi Paloma, ewan ko kung kilala niyo pa sila. Pati mga porno na lahat-lahat talaga makikita mo na. ’Yung sa huli, du’n ako nakagawa ng sarili kong mga pelikula. Kahit hanggang Betamax lang nga. Konting puhunan pero okey ang kita. ‘Yung mga ginagamit naming mga artista mga taga-probinsya na mahigpit ang mga pangangailangan sa pelikula.

CUT TO:
SCENE 59B. INT. LABAS NG CONFERENCE ROOM. NIGHT.
POV ni Onil. Nakatingin siya sa pinapanood ng mga tao sa loob mula sa siwang ng pintuang nakalimutang isarado ng maigi nina Tony. Nakikinig siya.

CUT BACK TO:
SCENE 59C. INT. TV SCREEN. BAHAY NI LINO. NIGHT.
Tuloy naman sa panonood ang mga nasa loob.

ICKAY
(Off-screen)
Maiba ho ako. Natatandaan niyo ho ba kung anong pelikula ni Lino Brocka ang napasama kayo?

LINO
Kung di ako nagkakamali, “Strangers In Paradise,” “Hot Property,” at ‘yung “Kapit Sa Patralim, Bayan Ko.” Hindi ko malilimutan ‘yung huli. (Ngingiti) May nabiktima ako doong dalaga. Probinsiyana. Tanung ng tanong kung paano kami gumagawa ng pelikula kaya sinamantala ko na. Pag ganito kasi, kahit sa mga shooting sa probinsya, hindi na pinapatagal ‘yan at tinutuka na. Banatan mo lang ng “Huwag kang mag-alala, hija, pasisikatin kita…” (Tatawa)

ICKAY
Natatandaan niyo pa po ‘yung pangalan nu’ng babae?

LINO
Oo. May kapangalan siyang boldstar kaya hindi ko malilimutan. “Lala”.

CUT BACK TO:
SCENE 59D. INT. LABAS NG CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Balik sa POV ni Onil. Mabibigla siya sa maririnig niya.

ONIL
(Malakas na pabulong)
Putang-ina…

Maririnig siya nina Tony sa loob at mapapalingon sila. Makikita nila ang mukha ng binata.

TONY SERRANO
Siya! Ang anak ni Brocka!

Tatakbo si Onil. Malalaglag niya ang salamin niya at maaapakan ito ni Tony na makaka-sidetrack sa kanila. Hahabulin siya ni Tony. Habulan sila pababa. Intercut ang POV ni Onil at POV ng kamera ng grupo nina Tony.

SCENE 60. EXT. TAPAT NG TV NETWORK. NIGHT.
Lilinga sa paligid si Tony. Hindi niya makikita. May makikita siya sa di-kalayuan na sasakay ng taxi. He will instruct Raul to get their car.

TONY SERRANO
Ayun siya!

Sasakay sila sa sasakyan at susundan ang taxi.

SCENE 61. INT. KOTSE NINA RAUL/TONY. NIGHT.
Tuloy sa paghabol sina Tony. Hindi nila alam kung alin ang hinahabol nila. Mapapadaan sila sa tapat ng area na pinagkamatayan ni Lino Brocka sa East Avenue. Nang biglang tumawid si Moret at napa-preno sila bago niola ito mabangga. Hawak-hawak na niya ang bagong luwal nito na sanggol. Lalabas sina Tony at Raul. Lilinga-linga sila.

MORET
Tingnan niyo, o. Tingnan niyo ang anak ko. Lalaki ‘to. Ano ang gusto niyong ipangalan ko sa kanya?

Matagal na nakatingin sina Raul at Tony sa kanya bago may magsasalita sa kanila na isa para basagin ang katahimikan.

TONY SERRANO
Brocka…

Aalis si Moret na parang walang nangyari at kakausapin nito ang anak niya.

MORET
Brocka… Brocka… Baby Brocka…

SCENE 62. INT. CONFERENCE ROOM. NIGHT.
Makakabalik na si Tony sa conference room. Wala na ang ibang kasamahan niya maliban kay Roence.

TONY SERRANO
Asan na sila?

ROENCE
Nag-cover ‘yung iba. Hindi mo ba narinig ‘yung balita? Nasunog ‘yung squatter’s area na pinuntahan niyo kanina. Wipe-out totally ‘yung area. Mukhang matutuloy rin ang proyekto ni Congressman Guatlo.

TONY SERRANO
Ha? Putang-ina talaga! E ‘yung iba?

ROENCE
Pinauwi ko muna. Pinatitigil na sa itaas ‘yung istorya ng anak ni Brocka. Kinausap na kami kanina. May mga bagong istorya pa na ginawa ‘yung iba kaya ‘yun na lang ang aayusin natin for now in replacement sa istorya ng anak ni Brocka.

TONY SERRANO
Ha? Hindi pwede. Ituloy natin ang istorya.

ROENCE
Wala na tayong magagawa, Tony. Napahiya na ang network. Nanalo this time ‘yung kabila. Pero babawi tayo sa susunod. May mga gera pa. May mga istorya pang mas magaganda. Du’n tayo kailangan ngayong maghanda. Umuwi ka muna. Magpahinga ka. Take the weekend off kasama ang mga bata.

Titingin si Tony kay Roence. Tatapikin siya sa balikat ni Roence.

ROENCE
It’s ok, Tony. Ganyan talaga…

Hindi na magsasalita si Tony. Naiintindihan niya na.

SCENE 63. MONTAGE.
Music plays as we see montage ng iba’t ibang interviews ng grupo nina Tony mula sa mga nakilala ni Lino Brocka nu’ng estudyante pa lang siya hanggang sa pumasok siya sa teatro, sa TV, sa pelikula, maging sa mundo ng pagiging bakla niya at aktibista. May makikita rin tayong mga litrato niya mula bata hanggang nung mamatay siya.

INTERCUT WITH:
SCENE 64. MONTAGE.
The montage above will intercut with montage of the different members of the “Semi-Dokyu” show. Parang POV ni Onil ito. Parang pinagmamasdan niya ang growth ng bawat isa.

A. Si Hector together with his father sa Nueva Ecija.
B. Si Ickay kasama ang mga kaibigan sa U.P.
C. Si Ronald na masayang nakikipag-usap kay Aling Nila sa Rajah Sulayman Theater.
D. Si Jourdan habang nakikihalubilo sa mga acting workshops.
E. Si Raph habang nakikisaya sa mga bata sa squatter’s area.
F. Si Bombi na parang nahanap ang sarili niya sa loob ng gay bar.
G. Si Raul habang kasamang nakikipagmartsa sa mga aktibista sa kalsada.
H. Si Roence habang nag-aakting-aktingan kasma ang anak na si Tala.
I. Si Tweety Robles na binabati ng mga taong nakapaligid sa kanya pero parang kulang pa rin ang buhay niya.
J. Palabas sa TV ng mga huling pelikula ni Lino Brocka gaya ng “Napakasakit, Kuya Eddie,” “Maging Akin Ka Lamang,” “Pasan Ko Ang Daigdig,” “Tatlong Mukha Ng Pag-ibig (Ang Silid),” “Macho Dancer,” “Kailan Mahuhugasan Ang Kasalanan,” “Orapronobis,” “Babangon Ako’t Dudurugin Kita,” “Natutulog Pa Ang Diyos,” “Kung Tapos Na Ang Kailanman,” “Gumapang Ka Sa Lusak,” “Hahamakin Lahat,” “How Are The Kids (Oca),” “Biktima,” “Ama, Bakit Mo Ako Pinabayaan,” “Sa Kabila Ng Lahat,” “Kislap Sa Dilim,” at “Makiusap Sa Diyos.”
K. Finally, si Tony habang hinahaplos ang buhok ng dalawang anak niya na nakatulog sa mga hita niya habang nanonood ng TV. Mamasdan niya ang dalawang bata, hahalikan ang mga ito sa ulo, at mangingiti siya.

Montage ends. Fade to black.

SCENE 65. EXT. HIMLAYANG PILIPINO. PUNTOD NI LINO BROCKA. DAY.
Papalapit ang camera sa puntod ni Lino Brocka. Nandoon sina Raph, Bombi, Roence, Ickay, Jourdan, Ronald, Hector, at Raul, nakatayo sila sa harapan ng puntod, offering flowers and prayers. Mapapalingon sila sa direksyon ng camera na papalapit sa kanila. Ngingiti sila. Si Tony.

TONY SERRANO
(Natatawa-tawa)
Pupunta rin pala kayo dito. Nagsabay-sabay na sana tayo.

ROENCE
Buti rin at nandito ka. At least kumpleto tayo.

TONY SERRANO
Nagbibigay-galang lang. Kahit paano, sa dalawang linggong hinanap natin ang anak ni Brocka, pakiramdam ko, parang sumakay ako sa isang biyahe na pagbaba ko ay mas nakilala ko ang sarili ko.

RAPH
‘Yun rin ang pakiramdam ng bawat isa sa amin kaya rin kami napapunta rito.

BOMBI
Kamusta na kaya siya? Ang anak ni Brocka.

RAUL
Sana katulad natin, hindi man siya ang anak ni Brocka, namulat din sana siya.

TONY SERRANO
Sana nga. Sana…

HECTOR
Pasensya na, ha. Akala ko makakaisa na akong magandang istorya. Palpak na naman pala.

ROENCE
(Magpapatawa)
Okey lang. Sanay na naman kami.
(Magtatawanan. Haharap sa camera si Roence.)
O, Sig, kuhanan mo nga kaming lahat ng isang shot sa harapan ng puntod ni Lino Brocka.

CAMERAMAN 1
(Off-cam)
Naku, Ma’am. Teka lang po. Mapuputol na ang baterya ko. Sandali lang at kukunin ko sa sasakyan ang reserba.

Screen turns to black.

CUT TO:
Pagbukas muli ng screen ay POV na ni Onil ang ating makikita. Papalapit siya sa puntod ni Lino Brocka.

TONY SERRANO
Patawarin sana tayo ng kaluluwa ni Direk Lino Brocka kung medyo nabastos natin ang pangalan niya sa pag-aakalang may anak nga siya…

ONIL
(Off-cam)
Totoo naman, di ba? May anak naman siya talaga.

Lilingon sa kanya ang grupo at mabibigla. Mapapa-gasp ang iba at magbubulungang “Ang anak ni Brocka.”

TONY SERRANO
Huh?

ONIL
(Off-cam pero nararamdaman mong nangingiti-ngiti)
Kayo mismo ang nagpatunay, hindi kayo naniniwala? Ano ba kayo? May anak si Lino Brocka! At ang anak niya ay walang iba kundi ako, ikaw, tayo, at iba pa.

HECTOR
Hindi ko makuha…

ROENCE
(Bubulong kay Hector)
Hector, takbuhin mo si Sig dali at sabihin mo ‘yung kamera. Bilis…
(Hector follows)

ONIL
Hindi ko rin makuha sa simula pero gaya niyo, nakaramdam rin ako ng malaking pagbabago sa sarili ko pagkatapos ng biyaheng dinaanan ko para alamin ang tunay kong pagkatao. Nasaktan din ako nung malaman ko ang totoo. Na hindi ako anak ni Lino Brocka sa pisikal na aspeto. Pero naisip ko, pare-pareho tayo, nakita natin, naamoy natin, nalanghap, natin, natikman, napakinggan, nayakap, naramdaman, at naintindihan ang mga bagay na tiningnan, tinikman, pinakinggan, niyakap, at pinakiramdaman ni Lino Brocka. Mga bagay na malalapit sa puso niya. At dahil diyan, walang duda na tayo at ang iba pang mga katulad natin na dadaan din sa ating pinagdaanan at maiintindihan ang kanyang mga ipinaglalaban ay karapat-dapat na tawaging mga anak ni Brocka.

Magtitinginan sila at mapapangiti sa isa’t isa.

TONY SERRANO
Tama ka. Mga anak nga tayo ni Brocka. Maraming, maraming salamat. Ngayon mas mabibigyan na namin ng mukha ang aming istorya. May mukha na ang anak ni Brocka.

Kakamayan siya ng bawat isa. Siya namang paparating sina Hector at Sig. Medyo natuturete sila sa pag-aayos ng kamera.

ROENCE
Sig, itutok mo na ang kamera at ipakilala na natin sa kanila ang tunay na anak ni Brocka. Rolling ka?

SIG
Rolling!

ROENCE
And… 5,4, 3, 2, and áng Anak Ni Brocka! Action!

Itututok ni Sig ang camera pero bago pa mag-ON at makita natin ang mukha ng lalaking kaharap nila, biglang magfa-flash sa camera ang iba’t ibang mukha ng mga tao, bata at matanda, lalaki, babae, tomboy, at bakla, may ipin at wala. Lahat sila, anak ni Brocka. Screen fades to black.

TONY SERRANO
(Voice-over)
Ikaw? Anak ka rin ba ni Brocka?

MUSIC PLAYS.

CLOSING CREDITS.

END.

Thursday, February 10, 2005

MULA SA ISANG NAGMAMARUNONG SA FILMMAKING (hehehehe)

hahahahahahahha. sisihin niyo siguro ang pagsusulat ko sa tinatapos kong revision ng script ng cinema one entry ko na "Ang Anak Ni Brocka". for the past three weeks kasi ay nagsusulat ako mula alas-11 ng gabi (pwera na lang kung may dobol overtime ulit ang Ginebra-Talk N' Text at di ko naabutan ng maaga ang American Idol sa Star Channel) hanggang alas-sais o alas-otso ng umaga. minsan nakatunganga lang ako sa screen ng computer dahil pakiramdam ko nagagasgas na ang utak ko kakaisip, hindi lang ng tungkol sa script ko kundi pati na rin kung paano ko bubuhayin ang pamilya ko sa pamamagitan lamang ng mga konsepto at angst sa buhay ko. magigising ka kasi bigla na kinukulit ka na wala na namang gatas at wala na namang bigas. o, gaya ng sinasabi mo nga, tubig na inumin na binibili na rin (hindi naman tayo ganito nung bata tayo. umiinom naman tayo sa gripo).

kaya madalas mahaba akong magsulat ay dahil pagkagising ko sa tanghali, gaya nito, mga alas-dose o ala-una, ay ito ang ginagawa kong panghasa sa utak ko. dito ako kumukuha ng drive para magsulat at tapusin ang mga script na dapat kong tapusin. subukan niyong wala akong ginagawa at mapapansin niyo na wala rin akong ini-email na ganito kahaba. minsan, one liner lang na walang katuturan. kung hindi email ang panggising ko sa utak ko at mga daliri na gagamitin na pandutdot sa computer, nagpapatugtog ako ng malakas na rock music sabay hawak sa dijembe tom-toms ko at sasabayan ng palo ang beat. pampractice pa rin ng mga daliri. isa pa, andaming mapupulot na kwento sa rock music na hindi pa nagagawan ng istorya. mas may angst kasi ang mga lyrics nila, mas may bayag, mas experimental, at mas out of this world.

naniniwala ako lagi na "there are other ways of telling the story". na hindi natin ginagawa o ine-explore dito sa Pilipinas. mahilig tayo, hihintayin muna nating gumawa 'yung iba ng kakaibang istilo tapos gagayahin na rin natin at ang nakakalungkot ay sasabihin at ipagmamalaking tayo ang nagpasimula nito. "Memento" pabaligtad nagkuwento. "Celebration" digital na walang ilawan. "Traffic" documentary style kaya 100% handheld. "Dogville" sa entablado lang at walang exisiting na mga bahay pero nadala tayo. hindi ko rin sinasabing wala nang saysay ang gawa ng mga masters na sina kurosawa, scorsese, godard, wong kar wai, o zhang yimou. lagi pa rin nila tayong binibigla sa kanilang mga istilo kapag naglalabas sila ng pelikula. they never ran out of different ways to tell their story. "2046" iba pa rin. "house of flying daggers" iba rin. 'yung "aviator" pihado may bagong isitilo na isisingit si scorsese either sa shots or editing.

kaya ko inilagay sa listahan ko ang "ASTIGmatism" ay dahil nangahas siyang magkuwento sa ibang porma na binali halos lahat ng tradisyon natin at pormula. Ang kamera ang naging mata ni Robin Padilla. Tapos ibinagay ang title kasi may astigmatism 'yung karakter niya. Kaya lumalabo at lumilinaw ang screen. Du'n pa lang, iba na. astig na. sino'ng may bayag ang sasabak sa ganung eksperimentasyon? Siguro sa ngayon, sasabihin nating eksperimentasyon. pero kapag ganito ang naging takbo ng mga digital na pelikula natin, which is finding ways to use the digital camera as a medium to really tell the story at hindi 'yung kabaligtaran, baka hindi na natin siya masabing eksperimentasyon kundi inobasyon ng mga Pilipino. 'yung mga pelikula ni lav diaz, against conventions din. sabi ko nga, sino ang nasa tamang utak na gagawa ng limang oras na pelikula tapos sususndan ng labing-isang oras mahigit na pelikula? wala. si matti naman, laging taliwas din sa uso. "pedro penduko 2" at "gagamboy" ay hindi pangkaraniwang superhero-comedy films itinataas niya ng mga ilang hakbang ang mga pelikula natin. in terms of his highly-criticized storytelling and his framing of his shots that makes us gasp most of the time.

which brings us to writers na mga nagsisuko. o mga filmmakers. oo nga, nakakaburat ang mga compromises sa loob ng industriya. pero hindi ako naniniwalang hindi mo kayang labanan sila pabalik kahit sa pamamagitan ng iyong istorya. you still have that obligation to the audience na itaas kahit isang hakbang o kahit kalahating hakbang ang kaisipan nila. maglagay ka o magsingit ng ilang mga inobasyon sa istorya mo kahit paunti-unti muna. ang balak kasi ng karamihan ay sampung hakbang kaagad ang isasaksak nila sa utak ng masa. e masa nga. kaya hindi mo ipipilit ng isang buo para hindi nila iluwa o isuka. nakakalimutan kasi natin madalas ang audience. sila ang mga ninanakawan natin ng mga istorya. sa kanila tayo dapat magsilbi hindi sa sarili nating interes o sa interes ng mga producer o sa crush mo o sa karelasyon mo na ginamit mo ang pangalan sa script mo. sabi nung mga cultural orgs dati sa eskwelahan namin, art daw ay "mula sa masa, para sa masa". pero hindi ibig sabihin na pabobobohin mo sila dahil 'yun ang nasa isip mo na level lang na kaya nila. itaas mo ang kaisipan nila. palayin mo sila. that's one of our obligation to them. because no one's doing anything, magsimula tayong palayain ang mga kaisipan nila.

siguro masasabi kong marami na akong napagdaanang sakit ng ulo sa anim na taon ko sa industriya. sabi ng iba, malala pa nga. nakulong na ako dahil ipinaglaban ko ang tama sa mga isinulat ko, hinamon na ako ng barilan ng isang producer, nangolekta na ako ng mahigit isang taon ng TF ko, nabalahura na rin ako, ninakawan ng konsepto, ipinangalan sa iba ang pinaghirapang trabaho, nagutom, nilayasan ng pamilya kasi wala na akong mapakain sa kanila, nabaon sa utang dahil mas art ang tingin sa pelikula kesa raket, naputulan ng kuryente kamakailan lang habang tina-type ko ang script ko, nag-one day script ako in a freezing cold city habang may mga umaaligid sa 'yo na mga de-baril na goons, ilang beses na ring dapat ay GO na ang project mo at shooting na sanakinabukasan pero mashe-shelve din pala at di ka mababayaran, at ang pinakamasakit sa lahat, muntikan nang mamatay ang anak mo at wala kang maibayad sa ospital kasi sabi ng producer sa 'yo wala ka pang cheke sa kanya. pang telenobela na ang kwento ko pero ako, tanga, andito pa rin at hindi sumusuko. ni ayaw ko ngang gawing tele-nobela ang istorya ko. pero sa halip, ang galit ko at paghihiganti ko ay idinaan ko sa pagsusulat ko. ang produkto? "LASPONGGOLS". I made a black comedy of the film industry at lahat ng masasama at masasaya na rin na experience ko. pantadyak ko pabalik. sa poster nga na ginagawa namin ng pelikula, may nilagay akong warning: SOME SCENES AND DIALOGUES IN THIS FILM ARE NOT SUITABLE FOR MEMBERS OF THE FILM INDUSTRY. THEY MIGHT SEE THEMSELVES IN ANY OF THE CHARACTERS. A CLAPPER OR A UTILITY BOY'S GUIDANCE IS ADVISED. I always felt that black comedy is one genre na hindi natin ine-explore sa Pinas. kasi bihira ang nakaka-pull off nito. nagiging masyadong social commentary kasi 'yung iba. i tried to make mine more like "Pixar-like" characters na hinaluan ng malaking impluwensya sa akin ng MAD Magazine. sana ma-pull off namin. pero kahit tawa lang ay okey na ako. para na rin 'yung trophy o medal sa leeg ko at ng mga kasama kong artista at crew.

nalulungkot ako kapag sinasabing "bobo" ang industriya. ang nakakalungkot kasi ay gusto mong tanungin kung nasaan sila na dapat sana ay nagpapatalino sa industriyang sinasabi nating bobo. nasa advertising agency ang iba, nasa TV naman ang iba pa, ang mga nag-give up na talaga ay nasa mga call centers at nagbebenta ng produkto at pagdating ng gabi ay nasa starbucks at seattle's best, nagyoyosi ng sangkatutak, umiinom ng kape, at pag-uwi ng bahay ay pare-pareho nang may mga diarrhea. bakit hindi sila gumagawa ng pelikula? kahit pampersonal na pelikula. bakit di sila nangangahas na mag-shoot kahit video ng mga sinasabi nilang obra nila? kung sa tingin nila maganda ang istorya nila at ayaw nilang ipasok sa bulok na sistema ng industriya, e bakit binubulok naman nila ang mga istorya nila? pera? pag-ibig? pamilya? isang magandang kultura na lagi kong binabalikan ay ang kultura ng recto. may sarili siyang kultura na iba sa diliman o katipunan o vito cruz. sa recto, gagawa sila ng mga sariling tapes nila, sariling mga damit, sariling mga concerts, sariling mga disenyo sa katawan nila. at buhay sila. walang pakialam sa quality. ang importante, marinig sila, mapakinggan. at ako, bumibili ako ng mga fanzines na likha ng mga tao na ito, mga tapes, mga patches, mga kung anu-ano para makita ko at mapakinggan ang mga bagay na gusto nilang iparinig o ipakita. at nakakatuwa kasi natututo ako sa kanila. mahigit 15 taon na akong pabalik-balik sa mga bilihan sa rekto, sa tandem, sa cartimar, sa iba-ibang pasilyo. at hindi ako nagsasawa mula noon hanggang ngayon. basta pagkatapos ay kakain ako ng lumpia sa globe o hihigop ng sabaw sa ma mon luk (libre sabaw kahit siopao lang bilhin mo), solb na ang buong maghapon kong kakalakad dito. nung nasa doroteo jose pa 'yung popular bookstore, madalas 'yun ang last stop ng "trip" ko tapos sasakay na ako ng lrt papuntang vito cruz.

ako, ang bottomline pa rin ay isang magandang istorya. tapos ikukuwento mo sa isang istilo na hindi pa nagagawa o kaya ay sampal sa mga exisiting na istilo. 'yun, astig na astig 'yun. malaki ang posibilidad na internationally ay mapansin ka o mapalingon sila muli sa ating bansa. if you look at what the koreans are doing right now, nakakainggit sila. antatapang ng mga gawa nila. lahat ng genre, action, comedy, love story, horror, etc., may mga bago silang ino-offer. "Old Boy," "Sympathy For Mr. Vengeance" na ang bida ay halos sa patapos na ng pelikula lalabas, at iba pa. kakaiba talaga. anti-tradition. nagtataka ako bakit madalas takot tayo. akala ko kasi lahat tayo ay mula sa lahi ni andres bonifacio, a-putol a-ulo, a-di a-takbo.

ang eksperimentasyon din sa pagsusulat ay parang isang malaking joke. ako, lahat halos ng mga konsepto ko, nagsimula lahat sa joke. kasi, kung nagsisimula kang magpatawa, mas kakaiba ang lumalabas sa iyo. pinakaimposibleng mga istorya. pero kung susuriin mo, kung aatras ka muna sandali, aba! pwede naman palang gawing pelikula. tinawanan noon nila si george lucas nung nagpi-pitch siya ng star wars. si speilberg rin tungkol sa kanyang jaws at sa mga aliens niya gaya ni e.t. ang wachowski brothers rin walang makaintindi. lalo na kay kubrick. o 'yung istilo ni wong kar wai sa "chungking express". o ni kurosawa na may iba-ibang bersyon ang isang istorya. o si scorsese na iba-iba ang nagmamay-ari ng voice-over ng pelikula.kapag pinitch mo ang mga ito sa mga producers dito, pihado tatawanan ka. lalo at parang tingin nila e niloloko mo sila. pero kung may bayag ka (not a sexist notion, figure of speech), hindi ka susuko at gagawin mo ang pelikula mo dahil naniniwala ka. hanggang makahanap ka ng magpipinansya. o makalikom ka ng pera para ikaw mismo ang magpinansya. ang sarap kasi na ang treatment mo sa mga concepts mo e nakakatawa kahit na seryoso ka para sa tuwing humaharap ka sa producer ay akala mo ay nang-uunggoy ka. pero kapag sinakyan nila ay mas masya dahil magagawa mo na ang pelikula mo, naka-unggoy ka pa. tawa ka na lang ng tawa kapag tumatakbo na sa screen ang pelikula. ganun siguro pakiramdam ko kapag tumatakbo na 'yung "lasponggols" at 'yung "ang anak ni brocka". lalo na kung matutuloy ko pang gawin 'yung "ang mga kidnaper ni ronnie lazaro" at 'yung "likido" na balita ko ay bubuhayin muli ng viva. ang sarap ng pakiramdam na naka-isa ka. hehehehehehe... walang masama sa drama pero sana makaisip naman tayo ng ibang approach sa mga madadaldal na drama natin. wala na kasi siyang ipinagkaiba sa tele-nobela. ang pelikula ay hindi TV at ang TV ay hindi pelikula. sana malaman natin ang mga pagkakaiba. at hindi ibig sabihin na magaling mag-direk sa TV ay magaling na ring mag-direk sa pelikula and vice-versa. ito ang isa nating biggest misconception kasi. magkaiba ang kultura ng dalawa. magakaiba rin ang pamamaraan ng pagkukuwento. kaya mas maraming lente sa pelikula kasi 'yung mga lenteng 'yon helps the director in telling his story using the visual language. pati mga ilaw.

hay, naku. ang dada ko na naman. salamat at nakapag-practice na naman ng mga daliri. hehehehehe. pasensya na sa iba kung nabuburat na rin kayo sa mga pinagsususulat ko. pakiramdam ko na rin kasi sa sarili ko ay nagmamarunong na ako. eto, personal ko lang na mga angst at kalokohan 'to. kumbaga, ginagawa kong journal ang mga email ko. tanga kasi akong magpasok ng mga nasa utak ko sa journal na ginawa sa akin ng dalawang kaibigan ko. bahala na kayo kung lulunukin niyo ito o iluluwa. hindi ko rin sinasabing magaganda ang mga pelikulang nilikha ko at lilikhain ko. wala ako sa lugar para sabihin 'yon. pero kapag lumaki ang mga anak ko at pinanood nila ang mga pelikula ko at lumapit sila sa akin at tinapik ang balikat ko sabay sabing nagustuhan nila o malaki ang impluwensya sa kanila ng mga nilikha ko, siguro sasabihin ko na mahusay nga ang mga pelikula ko. fuck the critics. your kids and the next generation will judge you better.

again, my apologies to people na medyo nabangga. walang intensyon. ritwal ko lang 'to sa araw-araw na bagong gising ako.

salamat po, ma'am gina.

ako,
s

WHAT AILS THE FILM INDUSTRY?

ms. au,

here's my answer to the question that you sent soliman cruz. what ails the film industry? is it dead? dying?

THE FILM INDUSTRY IS NOT DEAD. as long as there is a Filipino out there who has a story in his mind that he wants to make into a film, the industry will not be dead. What's dying are old traditions, old formulas, old styles, old ways of telling a story, everything old that belong to the 80s and 90s. these once tested ways of milking the moviegoers their hard-earned cash are not working anymore. this generation of moviegoers are not anymore patronizing films that are based on star quality. reason why action films are not making money like the way they used to. the public wants fresh concepts or innovative ways of telling a story. new directors who have the balls to experiment but at the same time never losing focus on storytelling. nag-iiba lang ng anyo ang pelikula natin. nagpapalit ng mga bagong mukha. tinatae nito, sinusuka, at iniihi ang masasamang ugali at nakasanayang tradisyon na ng pelikulang Pinoy. kapag malinis na muli ang lahat, babanat na naman siya ng isang napakalakas na suntok at tadyak at balibag na magiging kapaki-pakinabang sa ating lahat. "Namatay" din ang pelikula ng mga British noong 1979. bagsak din ang ekonomiya nila at mataas ang tax. ang nakakatawa pa ay "babae" rin na maraming "economic reforms" (kuno) ang namumuno sa kanila noon. wala silang ginagawang pelikula hanggang 1981 ata. hanggang may isang TV station, channel 4 ata 'yun sa kanila, na tumulong para magpasulpot ng mga bago at mga batang direktor na may mga rebolusyonaryo at mapagpalayang mga ideya. mas gutom ang mga batang mga filmmaker na ito kasi sila ang mga nanonood ng pelikula at nagbabayad sa mga sinehan para humanap ng magagandang pelikula. kaya sila ang gumawa at lumikha ng mas makabagong mga pelikula na swak sa kanilang panlasa. ganun din sa atin ngayon. hindi na ang matatanda ang nagdidikta ng papanoorin natin dahil ang mga pumapasok sa mga sinehan ay mga estudyante at mga nagtatrabaho na nasa edad 40-pababa. kaya hindi na pumapatok mga action films or old school comedies. kasi outdated na halos lahat ng gimik ng mga ito. sina stallone nga at schwarzenegger hindi na klik kahit na anong re-invention na gawin nila. kasi may mga touches pa rin ng mga una nilang gawa ang mga twist ng istorya nila. gaya nina van damme at steven seagall. kahit na anong taas ng mga sipa nila o kahit na anong sirko nila, alaws na. kasi luma pa rin ang istorya. luma pa rin ang pormula. kaya lang nagki-klik sa atin ang mga love stories gaya ng "Dream Boy" at "Let The Love Begin" kasi usapin pa rin 'yan ng escapism na gusto nating makapanood na medyo kikiligin tayo at paglabas natin ng sinehan ay nakangiti tayo at masaya at feeling natin ay makakakasalubong din tayo sa daan ng kamukha ni Piolo o ni Richard o ni Angel o ni Bea. Na sasagutin na rin tayo ng mayamang crush natin kapag niligawan natin. O nung supervisor mo sa call center na sosyalera. Plus po ang factor ng pambubugbog ng TV at ads sa utak natin kaya, sige na nga, panoorin nga natin. another plus kasi panahon ng mga puso. at lahat sa panahon na ito ay in-lab (pantakas natin kahit sanadali sa realidad na mataas ang mga bilihin at bagsak talaga ang ekonomiya). Try selling these movies sa buwan ng september o october o ano pang patay na buwan at pihado hindi ito kikita ng sinlaki na kinita nito sa ngayong buwan na ito. timing din. at tamang marketing.

oo malaking epekto din ang malaking tax na binabayaran. kung iisipin natin, kung talaga nating susuriin, ay malaki ang sabwatan ng mga higanteng production companies ng Hollywood sa ating pamahalaan. kasi, sila, can afford nilang magbayad ng tax at iba pang kailangang bayaran sa bansa natin kasi global ang market nila. kaya okey lang sa pamahalaan na taasan ang buwis. kasi ang mga pelikula natin, kailangang kumonti para mas makapasok ang mga higanteng pelikula na ito. para kainin nito ang mga magagandang playdates na dati-rati'y naka-reserba sa mga pelikulang Pinoy. e tayo pa naman, utak kolonyal. kaya mas okey sa atin na manood ng foreign films. kahit ang iba'y simbantot din ng mga ginagawa nating pelikula. at ang pamahalaan natin, kahit sinuman ang nakaupo diyan, tapalan mo lang ng pera ay gagawa ng measures para mas mag-suffer ang local companies. kasi mas tiba-tiba sila sa foreign films. dollar ang bayad. at willing magbayad. hindi katulad ng mga Pinoy companies na panay tawad at mahilig mambarat. sa taas ng mga babayarin, pangit talaga ang mga lalabas na pelikula kasi babaratin ng producers ang mga produksyon nila. quickie movies for a quick buck. "fuck good stories" ang attitude nila. kaya nawalan na tayong lahat ng gana na manood ng pelikulang Pilipino. bad for our culture. good sa bulsa ng iba.

pero sa isang banda ay mahusay na mamatay ang industriya. para ma-sala. para talagang mapili ang pangit sa maganda. kasi, sabi nga, dito magsisimula ang isang napakaganda at napakahusay na rebolusyon ng mga bagong ideya. 'yung mga bata na gutom at uhaw sa mga gusto nilang klase ng mga pelikula, magsusulputan ang mga 'yan at gagawa. at sila ang sasampal sa dating sistema at sasabihing "eto ang talagang gusto namin". at sila na ang magdidikta ng takbo ng industriya. hindi na ang mga abusado at utak-perang mga producer. kahit sa kani-kanilang mga bahay lang magsisimula ang pagpapanood ng pelikula. tapos parang cult na kakalat sa iba pa at hahanapin na nila ang isang napapabalitang magandang pelikula. parang pagba-banda. magsisimula ka sa garahe mo at pagkatapos ay gagawa ng pipitsuging demo tape at ikakalat sa mga kakilala hanggang hinahanap ka na din ng iba. at maging ang mga producers, hinahanap ka na din nila at naiintriga. ganun sana. with the advent of digital filmmaking, hindi imposibleng hindi ito magagawa. huwag lang ngang makaisip na naman ng pakulo ang pamahalaan to hinder the rise of digital filmmaking or these "garage productions". kasi kapag hindi na sila ang kumikita at sila na rin ang tinatamaan ng mga pelikulang ito, chances are gagawa sila ng kontrobersya to suppress you. ginawa nila noon sa eraserheads, di ba, with the backmasking-thing. kasi malaki na ang nagiging impluwensya ng musika sa pagiging progresibo ng utak ng mga kabataan. kaya nga rin siguro pinatay nila ang eksena ng banda. kung iisipin mo, may salita lang na "NOT AS" sa lyrics ng kanta mo, e kapag binack-masking na ay "SATAN" ang basa dito. may gospel song ako dating napakinggan na may tatlong beses nag-"NOT AS". ibig ba sabihin Satanista na rin ito? hay, naku.

isa pang kailangan ng industriya para mabuhay siyang muli o ma-revive ay mas maraming "passionate" na producers at production managers na kayang tapatan ang pagka-passionate ng mga bata at agresibong filmmakers. kasi eto madalas ang kulang. andaming passionate filmmakers pero walang passionate producers o production managers o kahit anuman na naghahawak ng money matters ng isang production. lahat ng naka-upo sa mahahalagang pwesto na ito, madalas raketeer o kaya ay primero uno sa kanilang listahan ang kumita at hindi ang vision ng kanilang pelikula. kapag pumasok na kasi ang usapin ng pera, wala na. talo na. nawala na ang "art". nagiging "commodity" na. e ano pa'ng ipinagkaiba nito sa commercial films kung pera-pera na? wa. isa pa, people need to take on even small jobs sa produksyon. lahat kasi ng bata ngayon, iisa ang nasa isip. lahat gustong maging "direktor". lahat gusto "filmmaker siya. mas marami nga tayong filmmakers kesa sa films. mas marami ring nagsasabing filmmaker siya na wala pang films. walang gustong mag-art dept. walang gustong mag-clapper. walang gustong mag-utility boy. o gaffer. o P.A. gusto lahat, guwapo kaagad. filmmaker agad. nasasala mo daw ang isang taong may future sa pelikula kung kahit maliliit na trabaho ay ino-offer niya ang sarili niya na makatulong. 'yung hindi umeepal. 'yung willing siyang magpakababa ng sarili niya kahit na crew o taga-timpla ng kape. kasi nakikita mo na may puso siya at naiintindihan ang proseso. karamihan sa hindi makayang ibaba ang sarili nila, hindi nakakagawa ng pelikula nila. ang iba nagtuturo na lang kasi mas nagiging superior sila over these little kids na gustong magtrabaho sa pelikula. ang problema, there is a tendency that he or she may stunt the growth of these young people kasi madalas hindi sila practitioner o kung nag-practice man, mas mataas ang personal agenda niya kesa sa mga bagay na dapat sana ay natutunan niya sa set. most of the critics rin are like these. kaya nga sila kritiko. kasi majority sa kanila ay mga grumpy. old folks i've met na nasa 40s, 50s, 60s na naninira ng matitinong pelikula. kasi, kaya sila grumpy ay dahil sila 'yung could have been, should have been, would have been, sa kanilang akala. e hindi nila nagawa. kaya grumpy sila. they vent their frustrations and anger sa mga taong mas malayo ang nalakbay sa kanila, lalo na mga mas bata. today's youth have that opportunity to be happy people when they reach the age of 40s, 50s, and 60s by doing things they want to do right now like making a film or being part of the process of making a film and learning from it. kailangang mas mangibabaw na lagi silang estudyante. you never stop being a student and be involved in different art forms. Peter Pan syndrome. lahat ng bagay, tinuturuan tayo niyan. hindi tayo dapat magmarunong. para hindi tayo grumpy pag tanda natin. pangk rak attitude.

sana makatulong ito sa mas mabuti nating pagsusuri sa mundo ng pelikulang Pinoy. anim na taon na rin ako sa industriyang ito. umabot pa ako sa panahong masigla ang mga pelikula. nakita ko rin ang pagbagsak nila. nalulungkot ka, lalo na sa mga maliliit na tao na nawalan ng trabaho o nalungkot dahil bihira na lang ang gumagawa. nakakatuwa ang mga mukha ng mga ito everytime na marerentahan sila at maririnig na gagawa ulit sila ng pelikula. you just can't explain the joy in their faces. lalo at mahusay ang produksyon na sasalihan nila.

sana sumigla nga muli ang takbo ng pelikulang Pilipino. sana masala na ang dapat masala para mahusay na ang maging takbo niya kapag nakabangon ulit siya. pero kung kailangang patayin talaga para magkaroon ng bago at mas progresibo, sasang-ayon ako. basta kapag nabuhay muli siya ay mas makakapagpataas siya ng kaisipan ng mas nakararami at mas makakapagpalaya siya.

mabubuhay ang pelikulang Pilipino.