Friday, September 02, 2005

ALLAN DIONES OF ABANTE TONITE ON "ANG ANAK NI BROCKA"

ENTERTAINMENT
ALLAN DIONES, ABANTE TONITE

Si Phillip at Ang 'Anak' ni Lino Brocka

Binigyan kami ni Tito Mario Bautista ng VIP pass para panoorin ang anim na kalahok sa Cinema One Originals Digital Film Festival na ginanap sa Megamall nu’ng weekend, pero isang pelikula lang ang napanood namin.

Hinabol namin ang 9:00 PM screening ng Anak ng Tinapa nu’ng Linggo pero hindi ito ang napanood namin kundi Ang Anak ni Brocka.

Sabi sa amin ng katotong William Reyes ay na-X daw ng MTRCB ang Anak ng Tinapa (ni Jon Red) kaya sa UP na lang daw ito ipalalabas.
Kakaiba ang dating ng Ang Anak ni Brocka na ginawa ng indie filmmaker na si Sigfried Barros-Sanchez. Pinaghalo itong fiction at documentary na umikot sa kuwento ng isang 20-anyos na binatang nagki-claim daw na anak siya ng nasirang direktor na si Lino Brocka.
Sinaliksik ng isang grupo ng investigative journalists ang ‘scoop’ na ‘yon na natisod ng isa nilang kasamahan para ipalabas sa kanilang programang ‘Lente’ sa Channel 22. Naghananap kasi sila ng mga bagong istorya para mapataob nila sa ratings ang kalaban nilang show at ‘yun nga ang tinugaygayan nilang istorya.
Ang kilala lang namin sa grupo ng ‘Lente’ ay sina Roence Santos (si Patotina ng Krystala na mabenta rin sa indie films), Noni Buencamino at Soliman Cruz (gumanap na ama ni Maxi sa Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros).
Kasabay ng pag-iinterbyu kunwari ng grupo ng mga taong makapagtuturo sa kanila kung nasaan ang sinasabing ‘anak ni Brocka’ ay may interbyu rin sa mga tunay na kaibigan, kapamilya, katrabaho at mga nakasama’t nakilala noon ng bantog na direktor.
‘Kaaliw ‘yung MOS (o men on the streets) interview na iba-iba ang sagot ng mga tao sa kalye nu’ng tanungin kung naniniwala ba ang mga ito na may anak si Brocka.
Hirit nu’ng huling lalakeng tinanong, "Kanino, kay Phillip (Salvador)?!"
***

Interesting ‘yung iba’t ibang anecdotes tungkol kay Direk Lino na isinalaysay ng mga taong malalapit sa kanya — tiyahin niya, guro niya noon sa kinalakhan niyang bayan ng San Jose, Nueva Ecija, mga kaklase, pinsan, kaibigan, tagahanga at iba pa.

Lahat sila ay ipinagmamalaki at ikinararangal ang narating ng kanilang promding kababayan.
Laki raw sa hirap si Lino (Catalino Ortiz Brocka sa totoong buhay) at api-apihan ito nu’ng paslit pa. Nag-stowaway pa raw ito nu’ng kabataan niya. Ipinanganak si Lino nu’ng Abril 7, 1939 sa Pilar, Sorsogon.
Isa sa pinakahinahangaan at tinitingala naming direktor si G. Lino Brocka, na nagsilbing instrumento kung bakit kinilala ang kahusayan ng mga pelikulang Pilipino sa ibang bansa nu’ng kapanahunan niya.
Nalungkot kami sa MOS interview sa mga kabataan ngayon na halos lahat sila ay hindi kilala ang namayapang dakilang direktor at National Artist for Film.
Heto ang ilan sa reaksyon ng mga bagets sa tanong kung kilala ba nila si Lino Brocka: "Hindi po. Hindi kasi matunog ang pangalan niya, eh!" Sabat naman nu’ng isa, "Namatay siya kasi, nasagasaan siya, di ba?"
Nang magpabanggit sa kanila ng pelikulang gawa ni Brocka na naaalala nila, ang sinagot nila ay Oro Plata Mata (gawa ni Peque Gallaga), Dekada ‘70 (gawa ni Chito Roño) at Scorpio Nights (gawa rin ni Peque Gallaga).
Katwiran ng isang lalakeng teenager, foreign movies daw kasi ang mas pinanonood nila kaya panay American directors ang kilala nila. Ang saklap, di ba?
***

May isang eksenang naghagilap ng betamax tapes si Roence para panoorin nila ng staff niya ang mga pelikulang dinirehe ni Brocka.

Napagtripan nila ang iba’t ibang titulo ng mga Brocka films.
Ang Insiang daw ay pelikula tungkol sa bagyo; ang Bona ay tungkol sa gatas ng bata; ang Tinimbang Ka Ngunit Kulang ay tungkol sa mga tinderang nandaraya ng timbang sa palengke; ang Cain at Abel ay isang gay film; ang Miguelito: Batang Rebelde ay tungkol kay First Gentleman Mike Arroyo; at ang Orapronobis ay tungkol sa marijuana (dahil katunog ito ng cannabis).
Kung sa Pepot Artista ay naiirita kami kapag ipinakikita ang film clips mula sa mga pelikula nina Guy & Pip, dito ay kinikilabutan kami kapag ipinakikita ang iba’t ibang film footage mula sa mga di malilimutang obra ni Direk Lino. Bigla tuloy namin siyang na-miss!
Ang cute ng reaksyon ng mga kaibigan at malalapit kay Lino nang tanungin sila kung naniniwala ba silang may anak ang namayapang direktor.
Ayon kay G. Pete Lacaba, hindi interesado sa chicks si Brocka. Panay rin ang tawa nina Mel Chionglo, Ricky Lee, Peque Gallaga, Roy Iglesias, Mara Lanot, Boots Anson-Roa, Rez Cortez, Boy Roque, Francis Magalona, Timothy Diwa, Chanda Romero at Joey Reyes dahil alam ng lahat na bading si Direk Lino kaya hindi sila kumbinsidong magkakaanak ito.

Pakli ni Direk Joey, "He has lots of children, but unfortunately, no one could live up to the stature of the father." Very well said!
May interbyu rin ang mga kaibigan at kasamahan noon ni Lino sa UP na sina Behn Cervantes, Ed Sicam, Bibsy Carballo at Bobbie Malay.
Pinagtatawanan daw noon ang Ingles ni Brocka sa UP dahil promdi ito at matigas ang puntong Tagalog, pero kapagkuwan ay nanalo ito sa isang oral contest.
Ayon sa isang parloristang bading (Epi Quizon in a cameo role) ay madalas daw pumunta ng mga gay bar tulad ng 690 si Brocka nu’ng nabubuhay pa ito. Bayani umano kung ituring ng mga bading si Direk Lino.
Bukod kay Epi ay may cameo appearances din sa pelikula sina Gina Alajar, Bembol Roco, Phillip Salvador, Geoff Eigenmann, Angie Ferro, Aurora Yumul at iba pa.
***
Lahat ng lugar na pinuntahan at pinaglagian noon ni Direk Lino ay sinuyod nila, kaya nagtungo rin sila ng Tanghalang Rajah Sulayman sa Fort Santiago kung saan itinanghal ang unang dula ni Brocka para sa PETA.

Siya pala ang kauna-unahang direktor na nagdala ng mga artista ng pelikula sa teatro o lehitimong entablado.
Ayon kay Gng. Cecille Guidote-Alvarez, hindi nakapagtapos sa UP si Lino at nagprisinta itong pumasok sa teatro. Doon nagsimulang lumitaw ang artistic at creative genius nito.
Nalaman namin mula sa kuwento ng playwright na si Rody Vera na may intrigahan din pala sa teatro lalo na nu’ng panahong pasabugin ni Brocka ang tinagurian nilang ‘PETA bomb’ na ang ilang miyembro ng grupo ay kasapi umano sa kilusan ng mga komunista.
Ang ironic doon, 3 years after ay si Brocka ang nakulong dahil sa pagiging aktibista nito.
Tsika naman ni Chanda, madalas silang pagmumurahin noon ni Lino dahil ang lutong ng puntong Bisaya nila kapag nagdadayalog na sila sa entablado. Dagdag pa niya, si Lino ang direktor na pati pagpatak ng luha at paghinga mo ay bilang.
Sinuyod din ng pelikula ang mga slum area at makikipot na eskinita, ang lugar ng mga iskuwater at mga maralitang tagalunsod na siyang lokasyon ng karamihan sa mga obra ni Brocka tulad ng Kapit Sa Patalim, Jaguar, Tatlo Dalawa Isa, Macho Dancer, Pasan Ko Ang Daigdig at marami pang iba.

Hanggang ngayon ay tanging si Lino lang umano ang direktor na nakapagpakita sa katsang telon ng tunay na mukha ng kahirapan sa Pilipinas.
May mga anekdota rin ang ilan pa sa mga artistang nahawakan ni Brocka gaya nina Ronnie Lazaro, Joel Torre at Alan Paule.
"Lino gave birth to the concept of freedom in art," ayon kay Ronnie.
"There could never be another Brocka!" bulalas ni Francis M.
May nakatutuwang rebelasyon kaming natuklasan sa Ang Anak ni Brocka. Ito ay ang tsismis na umikot noon sa malalapit sa nasirang direktor.
Lahat ng mga kaibigan niya ay alam ang tungkol sa ‘famous myth’ na kesyo may nakarelasyon noon si Lino na isang sikat na Hollywood actor!
Ayon kay Direk Joey ay nalokah siya nang ikuwento sa kanya ‘yon ni Brocka nu’ng minsang nasa Hawaii sila para sa shooting ng Strangers in Paradise. "Ang haba ng buhok niya, huh!" dayalog ni Chanda. Sabi ni Timmy Diwa (na nagdayalog na ‘horny’ person daw si Brocka), ipinagkakalat niya ‘yon sa mga kaibigan niya dahil proud siya sa episode na ‘yon sa buhay ni Direk Lino. Siya rin ang nagbanggit na aktibo pa ang nasabing Hollywood actor at sa katunayan ay napapanood daw ito sa programang The West Wing.
Kiyemeng ayaw pa itong ibuking ni Direk Behn pero siya ang nagbitaw ng pangalang ‘Martin.’
So, ibig sabihin, nakarelasyon noon ni Brocka si Martin Sheen ng The West Wing??! Bongga, di ba? Ang haba-haba nga ng hair niya!
Ha! Ha! Ha!
***
Hanggang ngayon, 14 taon matapos mamatay sa isang aksidente (Mayo 22, 1991) ay hindi pa rin namamatay ang diwa ni Lino Brocka.

Sabi ng mga aktibista at militante, ang pinakamatingkad na katangian ng mga pelikula ni Brocka ay ang paglalarawan sa mga isyu ng lipunan at ang marubdob na pagtatanggol niya sa karapatan ng mga maliliit at inaapi.
‘Yun ang kanyang natatanging tatak na hanggang ngayon ay hindi makopya ng mga direktor na pilit na gumagaya sa kanya.
Sana nga ay palagi natin siyang maalala at hindi na makalimutan pa…

1 Comments:

Blogger johnprehiem2565701557 said...

I read over your blog, and i found it inquisitive, you may find My Blog interesting. My blog is just about my day to day life, as a park ranger. So please Click Here To Read My Blog

http://www.juicyfruiter.blogspot.com

February 4, 2006 at 12:49 AM  

Post a Comment

<< Home