Thursday, February 10, 2005

MULA SA ISANG NAGMAMARUNONG SA FILMMAKING (hehehehe)

hahahahahahahha. sisihin niyo siguro ang pagsusulat ko sa tinatapos kong revision ng script ng cinema one entry ko na "Ang Anak Ni Brocka". for the past three weeks kasi ay nagsusulat ako mula alas-11 ng gabi (pwera na lang kung may dobol overtime ulit ang Ginebra-Talk N' Text at di ko naabutan ng maaga ang American Idol sa Star Channel) hanggang alas-sais o alas-otso ng umaga. minsan nakatunganga lang ako sa screen ng computer dahil pakiramdam ko nagagasgas na ang utak ko kakaisip, hindi lang ng tungkol sa script ko kundi pati na rin kung paano ko bubuhayin ang pamilya ko sa pamamagitan lamang ng mga konsepto at angst sa buhay ko. magigising ka kasi bigla na kinukulit ka na wala na namang gatas at wala na namang bigas. o, gaya ng sinasabi mo nga, tubig na inumin na binibili na rin (hindi naman tayo ganito nung bata tayo. umiinom naman tayo sa gripo).

kaya madalas mahaba akong magsulat ay dahil pagkagising ko sa tanghali, gaya nito, mga alas-dose o ala-una, ay ito ang ginagawa kong panghasa sa utak ko. dito ako kumukuha ng drive para magsulat at tapusin ang mga script na dapat kong tapusin. subukan niyong wala akong ginagawa at mapapansin niyo na wala rin akong ini-email na ganito kahaba. minsan, one liner lang na walang katuturan. kung hindi email ang panggising ko sa utak ko at mga daliri na gagamitin na pandutdot sa computer, nagpapatugtog ako ng malakas na rock music sabay hawak sa dijembe tom-toms ko at sasabayan ng palo ang beat. pampractice pa rin ng mga daliri. isa pa, andaming mapupulot na kwento sa rock music na hindi pa nagagawan ng istorya. mas may angst kasi ang mga lyrics nila, mas may bayag, mas experimental, at mas out of this world.

naniniwala ako lagi na "there are other ways of telling the story". na hindi natin ginagawa o ine-explore dito sa Pilipinas. mahilig tayo, hihintayin muna nating gumawa 'yung iba ng kakaibang istilo tapos gagayahin na rin natin at ang nakakalungkot ay sasabihin at ipagmamalaking tayo ang nagpasimula nito. "Memento" pabaligtad nagkuwento. "Celebration" digital na walang ilawan. "Traffic" documentary style kaya 100% handheld. "Dogville" sa entablado lang at walang exisiting na mga bahay pero nadala tayo. hindi ko rin sinasabing wala nang saysay ang gawa ng mga masters na sina kurosawa, scorsese, godard, wong kar wai, o zhang yimou. lagi pa rin nila tayong binibigla sa kanilang mga istilo kapag naglalabas sila ng pelikula. they never ran out of different ways to tell their story. "2046" iba pa rin. "house of flying daggers" iba rin. 'yung "aviator" pihado may bagong isitilo na isisingit si scorsese either sa shots or editing.

kaya ko inilagay sa listahan ko ang "ASTIGmatism" ay dahil nangahas siyang magkuwento sa ibang porma na binali halos lahat ng tradisyon natin at pormula. Ang kamera ang naging mata ni Robin Padilla. Tapos ibinagay ang title kasi may astigmatism 'yung karakter niya. Kaya lumalabo at lumilinaw ang screen. Du'n pa lang, iba na. astig na. sino'ng may bayag ang sasabak sa ganung eksperimentasyon? Siguro sa ngayon, sasabihin nating eksperimentasyon. pero kapag ganito ang naging takbo ng mga digital na pelikula natin, which is finding ways to use the digital camera as a medium to really tell the story at hindi 'yung kabaligtaran, baka hindi na natin siya masabing eksperimentasyon kundi inobasyon ng mga Pilipino. 'yung mga pelikula ni lav diaz, against conventions din. sabi ko nga, sino ang nasa tamang utak na gagawa ng limang oras na pelikula tapos sususndan ng labing-isang oras mahigit na pelikula? wala. si matti naman, laging taliwas din sa uso. "pedro penduko 2" at "gagamboy" ay hindi pangkaraniwang superhero-comedy films itinataas niya ng mga ilang hakbang ang mga pelikula natin. in terms of his highly-criticized storytelling and his framing of his shots that makes us gasp most of the time.

which brings us to writers na mga nagsisuko. o mga filmmakers. oo nga, nakakaburat ang mga compromises sa loob ng industriya. pero hindi ako naniniwalang hindi mo kayang labanan sila pabalik kahit sa pamamagitan ng iyong istorya. you still have that obligation to the audience na itaas kahit isang hakbang o kahit kalahating hakbang ang kaisipan nila. maglagay ka o magsingit ng ilang mga inobasyon sa istorya mo kahit paunti-unti muna. ang balak kasi ng karamihan ay sampung hakbang kaagad ang isasaksak nila sa utak ng masa. e masa nga. kaya hindi mo ipipilit ng isang buo para hindi nila iluwa o isuka. nakakalimutan kasi natin madalas ang audience. sila ang mga ninanakawan natin ng mga istorya. sa kanila tayo dapat magsilbi hindi sa sarili nating interes o sa interes ng mga producer o sa crush mo o sa karelasyon mo na ginamit mo ang pangalan sa script mo. sabi nung mga cultural orgs dati sa eskwelahan namin, art daw ay "mula sa masa, para sa masa". pero hindi ibig sabihin na pabobobohin mo sila dahil 'yun ang nasa isip mo na level lang na kaya nila. itaas mo ang kaisipan nila. palayin mo sila. that's one of our obligation to them. because no one's doing anything, magsimula tayong palayain ang mga kaisipan nila.

siguro masasabi kong marami na akong napagdaanang sakit ng ulo sa anim na taon ko sa industriya. sabi ng iba, malala pa nga. nakulong na ako dahil ipinaglaban ko ang tama sa mga isinulat ko, hinamon na ako ng barilan ng isang producer, nangolekta na ako ng mahigit isang taon ng TF ko, nabalahura na rin ako, ninakawan ng konsepto, ipinangalan sa iba ang pinaghirapang trabaho, nagutom, nilayasan ng pamilya kasi wala na akong mapakain sa kanila, nabaon sa utang dahil mas art ang tingin sa pelikula kesa raket, naputulan ng kuryente kamakailan lang habang tina-type ko ang script ko, nag-one day script ako in a freezing cold city habang may mga umaaligid sa 'yo na mga de-baril na goons, ilang beses na ring dapat ay GO na ang project mo at shooting na sanakinabukasan pero mashe-shelve din pala at di ka mababayaran, at ang pinakamasakit sa lahat, muntikan nang mamatay ang anak mo at wala kang maibayad sa ospital kasi sabi ng producer sa 'yo wala ka pang cheke sa kanya. pang telenobela na ang kwento ko pero ako, tanga, andito pa rin at hindi sumusuko. ni ayaw ko ngang gawing tele-nobela ang istorya ko. pero sa halip, ang galit ko at paghihiganti ko ay idinaan ko sa pagsusulat ko. ang produkto? "LASPONGGOLS". I made a black comedy of the film industry at lahat ng masasama at masasaya na rin na experience ko. pantadyak ko pabalik. sa poster nga na ginagawa namin ng pelikula, may nilagay akong warning: SOME SCENES AND DIALOGUES IN THIS FILM ARE NOT SUITABLE FOR MEMBERS OF THE FILM INDUSTRY. THEY MIGHT SEE THEMSELVES IN ANY OF THE CHARACTERS. A CLAPPER OR A UTILITY BOY'S GUIDANCE IS ADVISED. I always felt that black comedy is one genre na hindi natin ine-explore sa Pinas. kasi bihira ang nakaka-pull off nito. nagiging masyadong social commentary kasi 'yung iba. i tried to make mine more like "Pixar-like" characters na hinaluan ng malaking impluwensya sa akin ng MAD Magazine. sana ma-pull off namin. pero kahit tawa lang ay okey na ako. para na rin 'yung trophy o medal sa leeg ko at ng mga kasama kong artista at crew.

nalulungkot ako kapag sinasabing "bobo" ang industriya. ang nakakalungkot kasi ay gusto mong tanungin kung nasaan sila na dapat sana ay nagpapatalino sa industriyang sinasabi nating bobo. nasa advertising agency ang iba, nasa TV naman ang iba pa, ang mga nag-give up na talaga ay nasa mga call centers at nagbebenta ng produkto at pagdating ng gabi ay nasa starbucks at seattle's best, nagyoyosi ng sangkatutak, umiinom ng kape, at pag-uwi ng bahay ay pare-pareho nang may mga diarrhea. bakit hindi sila gumagawa ng pelikula? kahit pampersonal na pelikula. bakit di sila nangangahas na mag-shoot kahit video ng mga sinasabi nilang obra nila? kung sa tingin nila maganda ang istorya nila at ayaw nilang ipasok sa bulok na sistema ng industriya, e bakit binubulok naman nila ang mga istorya nila? pera? pag-ibig? pamilya? isang magandang kultura na lagi kong binabalikan ay ang kultura ng recto. may sarili siyang kultura na iba sa diliman o katipunan o vito cruz. sa recto, gagawa sila ng mga sariling tapes nila, sariling mga damit, sariling mga concerts, sariling mga disenyo sa katawan nila. at buhay sila. walang pakialam sa quality. ang importante, marinig sila, mapakinggan. at ako, bumibili ako ng mga fanzines na likha ng mga tao na ito, mga tapes, mga patches, mga kung anu-ano para makita ko at mapakinggan ang mga bagay na gusto nilang iparinig o ipakita. at nakakatuwa kasi natututo ako sa kanila. mahigit 15 taon na akong pabalik-balik sa mga bilihan sa rekto, sa tandem, sa cartimar, sa iba-ibang pasilyo. at hindi ako nagsasawa mula noon hanggang ngayon. basta pagkatapos ay kakain ako ng lumpia sa globe o hihigop ng sabaw sa ma mon luk (libre sabaw kahit siopao lang bilhin mo), solb na ang buong maghapon kong kakalakad dito. nung nasa doroteo jose pa 'yung popular bookstore, madalas 'yun ang last stop ng "trip" ko tapos sasakay na ako ng lrt papuntang vito cruz.

ako, ang bottomline pa rin ay isang magandang istorya. tapos ikukuwento mo sa isang istilo na hindi pa nagagawa o kaya ay sampal sa mga exisiting na istilo. 'yun, astig na astig 'yun. malaki ang posibilidad na internationally ay mapansin ka o mapalingon sila muli sa ating bansa. if you look at what the koreans are doing right now, nakakainggit sila. antatapang ng mga gawa nila. lahat ng genre, action, comedy, love story, horror, etc., may mga bago silang ino-offer. "Old Boy," "Sympathy For Mr. Vengeance" na ang bida ay halos sa patapos na ng pelikula lalabas, at iba pa. kakaiba talaga. anti-tradition. nagtataka ako bakit madalas takot tayo. akala ko kasi lahat tayo ay mula sa lahi ni andres bonifacio, a-putol a-ulo, a-di a-takbo.

ang eksperimentasyon din sa pagsusulat ay parang isang malaking joke. ako, lahat halos ng mga konsepto ko, nagsimula lahat sa joke. kasi, kung nagsisimula kang magpatawa, mas kakaiba ang lumalabas sa iyo. pinakaimposibleng mga istorya. pero kung susuriin mo, kung aatras ka muna sandali, aba! pwede naman palang gawing pelikula. tinawanan noon nila si george lucas nung nagpi-pitch siya ng star wars. si speilberg rin tungkol sa kanyang jaws at sa mga aliens niya gaya ni e.t. ang wachowski brothers rin walang makaintindi. lalo na kay kubrick. o 'yung istilo ni wong kar wai sa "chungking express". o ni kurosawa na may iba-ibang bersyon ang isang istorya. o si scorsese na iba-iba ang nagmamay-ari ng voice-over ng pelikula.kapag pinitch mo ang mga ito sa mga producers dito, pihado tatawanan ka. lalo at parang tingin nila e niloloko mo sila. pero kung may bayag ka (not a sexist notion, figure of speech), hindi ka susuko at gagawin mo ang pelikula mo dahil naniniwala ka. hanggang makahanap ka ng magpipinansya. o makalikom ka ng pera para ikaw mismo ang magpinansya. ang sarap kasi na ang treatment mo sa mga concepts mo e nakakatawa kahit na seryoso ka para sa tuwing humaharap ka sa producer ay akala mo ay nang-uunggoy ka. pero kapag sinakyan nila ay mas masya dahil magagawa mo na ang pelikula mo, naka-unggoy ka pa. tawa ka na lang ng tawa kapag tumatakbo na sa screen ang pelikula. ganun siguro pakiramdam ko kapag tumatakbo na 'yung "lasponggols" at 'yung "ang anak ni brocka". lalo na kung matutuloy ko pang gawin 'yung "ang mga kidnaper ni ronnie lazaro" at 'yung "likido" na balita ko ay bubuhayin muli ng viva. ang sarap ng pakiramdam na naka-isa ka. hehehehehehe... walang masama sa drama pero sana makaisip naman tayo ng ibang approach sa mga madadaldal na drama natin. wala na kasi siyang ipinagkaiba sa tele-nobela. ang pelikula ay hindi TV at ang TV ay hindi pelikula. sana malaman natin ang mga pagkakaiba. at hindi ibig sabihin na magaling mag-direk sa TV ay magaling na ring mag-direk sa pelikula and vice-versa. ito ang isa nating biggest misconception kasi. magkaiba ang kultura ng dalawa. magakaiba rin ang pamamaraan ng pagkukuwento. kaya mas maraming lente sa pelikula kasi 'yung mga lenteng 'yon helps the director in telling his story using the visual language. pati mga ilaw.

hay, naku. ang dada ko na naman. salamat at nakapag-practice na naman ng mga daliri. hehehehehe. pasensya na sa iba kung nabuburat na rin kayo sa mga pinagsususulat ko. pakiramdam ko na rin kasi sa sarili ko ay nagmamarunong na ako. eto, personal ko lang na mga angst at kalokohan 'to. kumbaga, ginagawa kong journal ang mga email ko. tanga kasi akong magpasok ng mga nasa utak ko sa journal na ginawa sa akin ng dalawang kaibigan ko. bahala na kayo kung lulunukin niyo ito o iluluwa. hindi ko rin sinasabing magaganda ang mga pelikulang nilikha ko at lilikhain ko. wala ako sa lugar para sabihin 'yon. pero kapag lumaki ang mga anak ko at pinanood nila ang mga pelikula ko at lumapit sila sa akin at tinapik ang balikat ko sabay sabing nagustuhan nila o malaki ang impluwensya sa kanila ng mga nilikha ko, siguro sasabihin ko na mahusay nga ang mga pelikula ko. fuck the critics. your kids and the next generation will judge you better.

again, my apologies to people na medyo nabangga. walang intensyon. ritwal ko lang 'to sa araw-araw na bagong gising ako.

salamat po, ma'am gina.

ako,
s

0 Comments:

Post a Comment

<< Home